MAGBIBIGAY ng legal assistance ang Public Attorney’s Office (PAO) sa mga miyembro ng media na nasasangkot sa kasong libel at iba pang kaso kaugnay sa mga trabaho bilang mamamahayag.
Nitong Martes, Hulyo 25, 2023, lumagda na ng kasunduan sina PAO chief Persida V. Rueda-Acosta at Presidential Task Force on Media Security Usec. Paul M. Gutierrez.
Ayon kay Acosta, makapagbebenepisyo ang lahat ng media practitioner’s sa ginawang kasunduan na matagal naman tumutulong sa hanay ng media.
Paliwanag ni Acosta, hindi lang para sa mga napapatay kundi pati doon sa mga lumalaban sa ating mga hukuman at may kaso ay puwedeng marebisa at matulungan ng PAO ayon sa mga internal rules ng ahensiya.
Diin pa ni Acosta, ang ginawang kasunduan para sa mga kapatid sa media ay hindi rin naman ginawa para abusuhin ang propesyon bilang mamamahayag.
Samantala, maglulunsad ng ‘Media Summit’ sa darating na Setyembre ang PAO kasama ang Presidential Task Force on Media Security hinggil sa kahalagahan ng responsableng pamamahayag.