SINAMPAHAN ng kaso ng isang dating mahistrado ang isang aktibong pari dahil sa umano’y pangungutya, malisyoso at mapanira nitong mga pahayag laban sa Our Lady Mary Mediatrix of All Grace.
Batay sa reklamo ni dating Sandiganbayan Associate Justice at ex-Commission on Elections Chairman Harriet Demetriou sa Quezon City Prosecutor’s Office, sinampahan nito ng kasong paglabag sa Article 133 ng Revised Penal Code o offending religious feelings si Fr. Winston Cabading ng Archdiocese of Manila Office of Exorcism.
Sa isang video anya ay pinagtawanan ng pari ang umano’y pag-ulan ng mga talulot ng rosas at ang pagkakaroon ng langis sa imahe ng Birhen habang sa isang conference naman ni Cabading ay kinutya nito ang mga aparisyon ng Birheng Maria sa Lipa City, Batangas noong 1948.
Inihalimbawa ni Demetriou ang lecture ni Cabading na pinamagatang “Basic Catholic Theology on Angels and Demons, Angels in Christian Life” kung saan binatikos umano nito ang serye ng pagpapakita ng himala ng Birhen na sinasabing nasaksihan ng ilang madre.
Ayon kay Demetriou, maitututuring na “notoriously offensive” ang ginawang pagtawag ni Fr. Cabading sa Mediatrix of All Grace bilang ‘demonic’ o may sa demonyo.
Iginiit ni Demetriou sa kanyang reklamo laban kay Fr. Cabading na walang Diocesan Verdict at Papal Decree na kumokontra sa aparisyon ng Birheng Maria.