“Parokya ng OWWA sa Barangay” mas paiigtingin pa ng OWWA Region 10

“Parokya ng OWWA sa Barangay” mas paiigtingin pa ng OWWA Region 10

UPANG mas mapalapit ang mga programa at benepisyo ng pamahalaan para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) ay mas paiigtingin pa ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga programa nito lalo na sa barangay level.

Mula sa pag-asikaso na mapauwi ang labi ng namayapang OFW na si Jinky Sulinay na taga Impasug-Ong Bukidnon hanggang maihatid ito sa mismong barangay nila ay nakatutok ang mga personahe ng OWWA, na attached agency na ngayon ng Department of Migrant Workers (DMW).

Matapos ang isang buwan mula nang ito ay namatay dahil sa gas suffocation ay naiuwi na sa bansa ang mga labi ng Pinaw OFW na si Jinky Sulinay.

Personal naman na nagpaabot ng pakikiramay ang Department of Migrant Workers (DMW) sa pangunguna ni Assistant Secretary Venecio Legazpi na dumayo pa sa Barangay La Fortuna sa bayan ng Impasug-Ong upang magbigay ng simpatiya sa naiwang pamilya ng biktima.

 “Pumunta po kami dito upang ipaabot ang aming pakikiramay of course sa pamilya ni OFW Jinky Sulinay. Kami po ay nakikiramay sa pangunguna po ng aming secretary na si Secretary Susan Ople na kahit po wala siya ngayon nasa ibang bansa pero yong kanyang puso ay nandidito sa atin lalo na po sa OFW,” ayon kay Assistant Secretary Venecio Legaspi, DMW.

Ang hakbang na ito ng OWWA ay bahagi ng mas pinaigting na programa na “Parokya ng OWWA” sa barangay kung saan mabibigyan ng agarang solusyon ang psychosocial at relational needs ng mga OFWs at ng pamilya nito sa tulong ng pamahalaan at pakikipag-ugnayan na rin ng local government units (LGUs) pati na ng pribadong sektor.

Siniguro naman ng OWWA na matatanggap ng pamilya Sulinay, ang mga benepisyo bilang lehitimong miyembro ng OWWA at hinikayat ang lahat ng OFW na magparehistro sa kanilang tanggapan.

“Sa mga OFW’s na may balak mag abroad na pipiliin talaga yong mga agency na registered sa Department of Migrant Workers, bagong departamento natin. Mayroong mga problema pwede sila lumapit sa OWWA na nasa 2nd flr Trinidad Bldg. based sa Cagayan de Oro at saka dito sa Province ng Bukidnon kasi meron na tayong extension office dito naglagay din tayo ng mga OWWA personnel. Kung may mga emergency cases like mga welfare case, mga maltreatment, rape case, harassment, underpaid o non-payment of salary pwede nating matulungan yan sa OWWA,” saad ni Director Harry Borres, OWWA 10.

Samantala malaki ang pasasalamat ng pamilya ni Jinky Sulinay sa tulong na kanilang natanggap mula rin sa kanilang lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Anthony Uy.

Mula sa tulong pinansyal na natanggap ng pamilya ng OFW na si Jinky mula sa kanilang lokal na pamahalaan, entitled din ito sa  P120 thousand peso na burial assistance at livelihood assistance naman para sa ina nito at scholarship grant naman para sa anim na taong gulang  na anak ng naiwang Pinay OFW.

Follow SMNI NEWS in Twitter