IPINAUUBAYA na lamang sa kamay ng mga nakatataas na ahensiya ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang karampatang aksiyon para kay Senator Loren Legarda.
Kasunod ito sa lantarang pagsuporta ni Sen. Legarda sa makakaliwang grupo na CPP-NPA-NDF bagamat binawi na nito ang nauna niyang pahayag.
Sa panayam kay Major Francisco Garello, tagapagsalita ng 4th ID ng Philippine Army at bilang isang sundalo, iginagalang naman nito ang unang pahayag ng senadora bagamat taliwas ito sa kanilang mandato sa militar.
Aniya, hindi madali ang laban ng pamahalaan kontra sa mga terorista at marami na ang nagbuwis ng buhay mula sa tropa ng gobyerno laban sa mga terorista kung kayat kaaway ang turing sa kanila at hindi kakampi.
Kaugnay dito, nilinaw ng militar na tanging ang pamunuan lamang ng AFP ang may kapangyarihan kung ano ang maaaring gawin sa naging pahayag ng senadora.
Bilang bahagi ng military service, kagaya ng mambabatas, may paalala siya sa sinumang indibidwal na sasapi sa AFP Reserve Force na maging totoo sa sinumpaang tungkulin lalo na sa pagmamahal at malasakit sa bansa.