SA kabila ng puspusang paggapi ng pamahalaan laban sa mga komunistang teroristang rebelde ng CPP-NPA-NDF, binuksan pa rin nito ang pagkakataon na makabalik sa pamahalaan at magkaroon ng bagong buhay.
Ito’y matapos ianunsyo ni Presidential Peace Adviser Secretary Carlito Galvez Jr. na pwede nang mag-avail ng amnesty program ang nasa 10 libong rebeldeng komunista.
Pinuri naman ang hakbang na ito ni Pastor Apollo C. Quiboloy at sinabing panahon na upang magbagong buhay ang mga rebelde sa bansa.
“Mabuting balita ito sapagkat ito na nga ‘yung makakapagtapos sa kabuhungan ng pagrerebelde ng mga komunistang grupong ito na magsibaba na lahat para matapos na ito,” pahayag ni Pastor Apollo.
“Kailangan patawarin ang dapat patawarin, i-reconcile ang dapat i-reconcile pagkatapos, magbagong-buhay na. Tapos, kalimutan na ‘yung… i-dismantle na natin ang lahat ng galamay ng CPP-NPA-NDF na ‘yan,” ayon sa butihing Pastor.
Samantala, muli ring nagbigay ng mensahe ang butihing Pastor sa mga rebeldeng komunista na patuloy na nagpapakahirap sa isang kawsang wala nang patutunguhan.
“Kayong mga NPA na naloko, nagrebelde kayo, nandiyan sa kabundukan, nilalamok, nililimatok, ang papayat ninyo, may mga disease pa kayo. Nandiyan kayo, naku, dahon ng saging ang inyong pinagtataguan, umulan, bumaha, bumagyo, nandiyan kayo, kumakain kayo diyan sa mga kabundukan at sa mga masusukal na lugar kasama ninyo ang mga ahas, ang mga lamok na may mga dengue.
Samantalang itong mga leader ninyo, itong mga commanders ninyo, nasa siyudad nakatira, air conditioned, may mga business dahil sa mga nakurakot nilang pera, silang humahawak. May mga business, hindi nakatira sa bundok ‘yan. Nandito sa siyudad.
At ‘yung pinakapuno ninyo, nandoon sa Netherlands ang sarap ng buhay, palaging naka-amerikana. Kayo dito, namamatay. Hindi naman kayo mananalo sa gobyerno. Wala na kayong pag-asa sa pagrerebeldeng ‘yan. That’s a lost cause. Kaya ‘wag na kayong mag-aksaya ng buhay niyo. Niloloko lang kayo ni Sison,” pahayag ng butihing Pastor.
Muling binigyang-diin din ni Pastor Apollo na wala nang kwenta at katuturan ang pagsapi sa rebeldeng kilusan. Aniya, kung siya pa ay naging NPA ay siguradong may gagawin siya kay Joma Sison.
“Tingnan ninyo ang paghihirap niyo, wala namang kwenta. Ako, kung ako, NPA, paghihirap kong ganyan, tapos walang katuturan, puntahan ko si Joma Sison. Anong gagawin ko? Pagbubunutin ko ‘yung balbas niya, “Panloloko lang sa’yo. Wala namang kapupuntahan ang ginagawa natin.” ‘Yan. Huwag kayong paloko diyan,” ayon pa ni Pastor Apollo.
Binigyang-diin din ni Pastor Apollo na hindi pasista ang gobyerno bagkus ang tulad ni Joma Sison na isa ring diktador na sumisira ng kinabukasan ng kabataan.
“Ano pa ang hinihintay ninyo? Hindi naman pasista itong gobyerno natin. Ang pasista, si Joma Sison, ang diktador, si Joma Sison. Tingnan mo itong mga alipores na kasama niya, puro may hatred. Puro may mga ahas sa puso. Puros may tuklaw ng kamandag.
Pagkatapos, ginagamit nila para i-poison ang mga kabataan. Itong mga kabataang nare-recruit nila, punta ng bundok, mamamatay din doon, hindi naman kayo mananalo.
Sayang. Tingnan mo ‘yung na-recruit na pinakita ko. Dapat buhay pa ‘yan. Matatalinong mga bata ‘yan. Ang mga magulang, umiiyak pero naloko sila, na-poison ang utak nila, umakyat sa bundok, na-recruit ‘yan,” pahayag ng butihing Pastor.
Muli namang nanawagan si Pastor Apollo sa patuloy na pagsuko ng mga rebelde sa bansa at welcome din aniya ang mga ito sa Kingdom of Jesus Christ na pinamumunuan ng butihing Pastor.
“Welcome, ‘yung 10,000 sumuko na kayo. Hindi lang ‘yun kundi lahat kayo. Napakabait ng ating Armed Forces ngayon kasi professional na ‘yan sila at saka modernong mga gamit.
Ako, we-welcomin ko kayo dito kung magbabagong buhay kayo, bibigyan kayo ng espirituwal na buhay dito sa Kingdom. Tutulungan ko pa kayo. Magtulungan tayo, nation-building itong sa atin,” ayon pa ni Pastor Apollo.