Patuloy na pagtitiwala ng publiko, nagbigay inspirasyon kay Sotto sa kampanya nito bilang bise presidente

Patuloy na pagtitiwala ng publiko, nagbigay inspirasyon kay Sotto sa kampanya nito bilang bise presidente

NAGPAHAYAG ng pasasalamat si Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa patuloy na pagtitiwala ng publiko sa kanya at ang kasiyahan ng mga tao sa kanyang paggawa.

Ito’y matapos ilabas ang survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa noong Disyembre 2021 kung saan nakakuha ang senador ng mataas na rating.

“Nakakatuwa po ang patuloy na tiwala na ibinibigay ng ating mga kababayan sa aking kakayahan bilang senador. Nakakaalis po ng pagod ang masigasig na pagsuporta ng taumbayan sa mga aksyon at desisyon ng Senado na aking pinamumunuan. Maraming salamat po,” pahayag ni Sotto.

Nakuha ni Sotto ang net satisfaction ng +52 at pumangalawa ang senador kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pinakamapagkatiwalaang opisyal ng gobyerno sa bansa.

Nakuha naman ni Pangulong Duterte ang net satisfaction na +60 habang bumulusok pababa ang net satisfaction ni Vice President Leni Robredo sa +1.

“Ang tiwala ng ating mga kababayan ay nagsisilbing inspirasyon sa aking kampanya para maging bise presidente ng ating bansa. Hindi madali ang laban na ito, pero kukuha ako ng lakas ng loob mula sa pagmamahal at suporta na ibinibigay sa akin ng asking mga kababayan. Anumang hirap ang aking maranasan at anumang balakid ang aking harapin, ipinapangako ko po sa inyo na hinding-hindi ako bibitiw sa patuloy na pagsisilbi sa ating bayan,” ayon pa kay Sotto.

Follow SMNI News on Twitter