Paul Soriano, tanggal na bilang Presidential Adviser on Creative Communications

Paul Soriano, tanggal na bilang Presidential Adviser on Creative Communications

TANGGAL na bilang Presidential Adviser on Creative Communications ang kilalang direktor sa pelikula at telebisyon na si Paul Soriano, ito ang ibinunyag ni Sen. Sonny Angara sa budget deliberation ng Office of the President (OP) nitong araw ng Huwebes, Nobyembre 9, 2023.

Ang paglalahad ni Angara, ang budget sponsor ng OP, ay kasunod ng pagtatanong ni Minority Leader Sen. Koko Pimentel kung ang opisina o ang mga tagapayo nito ang may pananagutan sa “We give the world our best. The Philippines” ad campaign kung saan tampok ito sa mga bus sa United Kingdom sa unang bahagi ng taong ito.

Ang kampanya ay inilunsad sa ilalim ng panunungkulan ni Soriano bilang creative communications adviser, ayon kay Angara.

Gayunpaman, hindi ibinunyag ni Angara kung bakit hindi na hawak ni Soriano ang puwesto, o kung kailan siya tinanggal dito.

Itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Soriano sa posisyon bilang tagapayo noong Oktubre noong nakaraang taon.

Si Soriano rin ang nagdirekta sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos at ang kaniyang mga patalastas sa kampanya sa pagkapangulo.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter