NAGLABAS ng ilang detalye ang Malacañang kaugnay ng pakikiisa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa 10th Asian Conference sa Singapore sa Setyembre 13.
Nakatakdang talakayin ni Pangulong Marcos ang mga prayoridad na polisiya at programa sa harap ng economic managers at business leaders sa naturang pagtitipon.
Si Pangulong Marcos ang magiging headline ng 30-minutong talumpati sa pinamagatang “A Conversation with the President of the Republic of the Philippines”
Itatampok ng Punong-Ehekutibo ang mga pagsisikap ng gobyerno sa pagpapabuti ng buhay ng mga Pilipino sa gitna ng mga hamon mula sa mahahalagang kaganapan sa mundo.
Si Pangulong Marcos ang magiging unang sitting Philippine President na haharap sa Milken Institute’s Asia Summit.
Bukod sa Pangulo ng Pilipinas, maglalahad din ng mensahe si Malaysian Prime Minister Anwar Ibrahim sa naturang taunang pagtitipon.
Itutuon ng Asia Summit 2023 ang kanilang mga talakayan sa mga isyu tungkol sa peace and stability, inequality, cultural differences, at irreparable environmental damage.
Ang Asia Summit, kung saan host ang Milken Institute, ay dekada nang tinututukan ang usaping patungkol sa public health, environmentalism, economic policy, at globalization.
Ang Milken Institute ay kilala bilang isang non-profit think tank, na nagbibigay-diin sa isang pinabilis na pag-unlad tungo sa pagkakaroon ng makabuluhang buhay para sa lahat.
Naghahatid ito ng pinakamahuhusay na ideya at kasanayan sa paglalatag ng blueprint tungo sa pagdaraos ng diyalogo sa mga kritikal na pandaigdigang isyu.
Ang kaganapan ay isa-livestream din sa website ng Milken Institute.
Habang nasa Singapore, makikipagpulong din ang Pangulo sa mga business leader upang palakasin ang ugnayang pang-ekonomiya at higit pang patatagin ang posibleng pakikipagtulungan ng dalawang economies sa mga piling industriya.
Sa kabilang banda, ang Pangulo, sa imbitasyon ni Singaporean Prime Minister Lee Hsien Loong, ay dadalo sa finals ng Formula One Singapore Grand Prix 2023.