INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang Department of Agriculture (DA) na iprayoridad ang mga farm-to-market road (FMR) projects.
Ito ay upang matiyak na nananatiling ‘on track’ ang mga inisyatiba sa Farm-to-Market Roads National Plan (FMRNP).
Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa isang sectoral meeting kung saan napag-usapan ang updates sa pagpapatupad ng nasabing national plan.
Binigyang-diin ng Punong Ehekutibo ang pangangailangang unahin ang mga nasabing proyekto batay sa aspeto ng utility at development.
Iniatas din ni Pangulong Marcos sa mga opisyal ng DA na makipag-ugnayan sa iba pang kinauukulang ahensiya upang matukoy ang mga lugar para sa pagpapaunlad at pagtatayo ng mga FMR upang matiyak ang maayos na daloy ng mga produkto at serbisyo.
Binanggit din ni Pangulong Marcos na dapat ding isaalang-alang ang rehabilitasyon at pagkukumpuni ng mga FMR na nasira ng baha at iba pang natural na kalamidad.
Batay sa tala nitong Oktubre 2022, ang DA at iba pang government agencies ay nakapagkumpleto ng kabuuang 67,255.46 km ng FMR projects, ito ay 51% sa 131,410.66 km target.
Ito ay kinakailangan upang maserbisyuhan ang 14 milyong ektarya ng production areas ng bansa para sa agrikultura at pangisdaan.
Samantala, may kabuuang 64,155.20 km ng FMRs ang hindi pa nakukumpleto, na nangangailangan ng halaga ng pamumuhunan na P962.325-B.
Mula rito, mayroon lamang 46,937.1 km ng proposed FMR projects mula sa mga local government units (LGUs) noong Agosto 1, 2023.