PERSONAL na iniabot ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Lunes ang espesyal na tulong-pinansiyal sa 12 sundalo na nagtamo ng injuries sa pakikipaglaban sa militanteng Dawlah Islamiyah-Maute Group.
Ang naturang grupo ang sangkot sa pambobomba sa Mindanao State University-Marawi noong nakaraang buwan.
Matagumpay na na-neutralize ng militar ang siyam na miyembro ng Dawlah Islamiya-Maute Group kabilang ang mga suspek sa pambobomba sa MSU-Marawi.
Ang 12 sundalo ay kasalukuyang naka-confine sa Army General Hospital (AGH) sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Nag-abot din si Pangulong Marcos ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) sa bawat isa sa mga sundalo.
Bukod sa pagbibigay ng suportang-pinansiyal, pinangunahan din ni Pangulong Marcos ang paggawad ng Gold Cross Medal, Military Merit Medal na may Bronze Spearhead Device, at Wounded Personnel Medal sa apat na sundalong wounded in action (WIA).
Kinilala ang apat na sundalong ito na sina Staff Sergeant (SSg) Jhonny Batucan Jr., Private First Class (PFC) Mark John Culaway, PFC Vincent Salvani, at PFC Jheremy Addatu.
Sa kaniyang pakikipag-usap sa mga tropa ng pamahalaan, kinilala ni Pangulong Marcos ang kanilang kabayanihan, katapangan, at hindi natitinag na dedikasyon para protektahan ang mamamayang Pilipino at ipagtanggol ang bayan laban sa mga elementong nagbabanta sa seguridad ng bansa.
Samantala, tiniyak din ng Commander-in-Chief sa government troops ang patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na ipatupad ang mga programang magbibigay ng tulong sa ‘battle casualties’ at itaguyod ang kapakanan ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at kanilang mga pamilya.
Tiniyak din ng punong ehekutibo sa mga tropa ng gobyerno na ang kaniyang tanggapan ay kumikilos na doon sa kahilingan ng Army General Hospital (AGH) at ng Camp Evangelista Station Hospital (CESH) para sa karagdagang kagamitan.
Kasama ni Pangulong Marcos sa kaniyang pagbisita sa mga sugatang sundalo sina Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr., Special Assistant to the President Antonio Lagdameo, pati sina AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., at Philippine Army (PA) Commanding General, Lt. Gen. Roy Galido, at iba pa.