NAKAUSAP ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa telepono nitong gabi ng Miyerkules ang pamilya ng dalawang Pilipinong nasawi sa Israel kasunod ng marahas na pag-atake ng Hamas.
Sa kaniyang official social media account, sinabi ni Pangulong Marcos na ito ang dalawa sa pinakamahirap na tawag sa telepono na kailangan niyang gawin bilang Presidente.
Dagdag pa ni Pangulong Marcos, kaisa ang bansa sa pagdadalamhati ng mga pamilya ng mga Pilipinong napatay sa gitna ng Israel-Hamas conflict.
Tiniyak din ng Punong Ehekutibo na ibibigay ng pamahalaan ang sukdulang suporta sa mga pamilya ng mga biktimang Pinoy sa gulo sa Israel.
Iginiit naman ni Pangulong Marcos na hindi mahahadlangan ng nangyaring trahedya ang patuloy na paninindigan ng Pilipinas para sa kapayapaan.