PBBM, nanawagan ng mas matibay na ugnayan sa FFCCCII para palakasin ang ekonomiya

PBBM, nanawagan ng mas matibay na ugnayan sa FFCCCII para palakasin ang ekonomiya

NANANAWAGAN si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ng mas matibay na ugnayan sa Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) para palakasin ang ekonomiya at isulong ang pambansang kaunlaran.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos, ang mahalagang papel ng pederasyon sa pagsigla ng ekonomiya at pambansang pag-unlad.

Panunumpa ng mga bagong opisyal ng FFCCCII, pinangunahan ni Pangulong Marcos

Ginawa ng Pangulo ang pahayag kasabay ng oathtaking ceremony ng mga bagong opisyal ng FFCCCII sa Malacañang Palace nitong Miyerkules, Hunyo 7, 2023.

“It’s a pleasure for me to welcome you to Malacañang Palace for this ceremony, where we install the new set of officers of your federation. Now, more than ever we call on our reliable partnership with the federation, as we strive to revitalize and transform our economy in this critical period of our history,” ayon kay Pangulong Marcos.

Pinangunahan ni FFCCCII President Cecilio Pedro ang bagong hanay ng mga opisyal ng federation para sa 2023-2025, na nahalal sa ika-33 Biennial Convention noong Marso.

Ang FFCCCII ang pinakamalaking organisasyon ng Filipino-Chinese businesses na aktibong kasama sa economic, social, civic, at cultural activities sa bansa.

Nagsasagawa rin ang pederasyon ng trade at investment missions, business at entrepreneurship promotion, job fairs, medical at dental missions, at relief operations sa panahon ng mga sakuna.

Pangulong Marcos, nanawagan ng mas matibay na ugnayan sa FFCCCII para palakasin ang ekonomiya

Samantala, nangako naman si Pangulong Marcos na patuloy na pakikinggan ang mga alalahanin ng sektor ng negosyo.

Magsusumikap din aniya ang pamahalaan na mapabuti ang business climate at pasiglahin ang kahusayan at kadalian sa paggawa ng negosyo.

Inihayag pa ni Pangulong Marcos na ang kaniyang administrasyon ay nagpasimula na ng mga mahahalagang hakbang at pagsasaayos upang matugunan ang isyung nailatag ng pederasyon sa isang pulong noong nakaraang taon.

Kabilang sa mga hakbang na ito ang pagpapabuti ng tax administration, fiscal incentives system, at iba pang strategic interventions, gayundin ang pag-streamline ng umiiral na regulatory mechanisms sa pamamagitan ng pinabilis at pinagsama-samang proseso at digitalisasyon ng mga pangunahing serbisyo ng gobyerno.

Umaasa si Pangulong Marcos na ang FFFCCII ay mananatiling maaasahang kaalyado ng gobyerno sa paghahangad ng kaunlaran gayundin ng inclusivity at resiliency.

Ipinahayag naman ni Dr. Cecilio Pedro ang pangako ng FFCCCII na ibibigay ang buong suporta sa administrasyon ni Pangulong Marcos.

Pinasalamatan naman ng Punong Ehekutibo ang FFCCCII, dahil nagsilbi rin itong magandang impluwensiya sa relasyon sa pagitan ng Pilipinas at China simula pa ng mga nagdaang taon.

Ito’y habang minarkahan ng dalawang bansa ngayong buwan ang ika-48 taon ng pormal na pagtatatag ng diplomatic relations.

“In behalf of the country, I thank the federation for having nurtured this relationship and served as a bridge between our two nations,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Sa loob ng halos 70-taon, ang FFCCCII ay nangunguna sa mga pagsisikap sa pagdadala ng mga pamumuhunan at pagbubukas ng iba’t ibang oportunidad sa ekonomiya na kapwa kapaki-pakinabang sa Filipino-Chinese community at sa mamamayang Pilipino.

Pinuri din ni Pangulong Marcos ang FFCCCII sa pagsuporta sa mga programa at adbokasiya ng pamahalaan gayundin sa pagiging maaasahan nito sa pakikipagtulungan sa gobyerno lalo na sa kasagsagan ng pandemya.

“Furthermore, we convey our gratitude for the humanitarian effort that has been extended and orchestrated in times of need, especially during the height of the pandemic. I remember it was the Filipino-Chinese communities that first were able to source some of the vaccines that were coming out of China. Ang unang pagdating ng Sinovac dito sa Pilipinas ay nanggaling sa inyo, privately, as a federation,” ani Pangulong Marcos.

Pinuri din ng Pangulo ang flagship program ng FFCCCII na “Operation: Barrio Schools.”

At sa mismong event sa Malacañang, pinangunahan nina Pangulong Marcos at Dr. Cecilio Pedro ang symbolic turnover ng isang scale model ng two-classroom building sa ilalim ng flagship program ng FFCCCII.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter