TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na nakatuon ang kaniyang administrasyon sa seguridad ng enerhiya sa bansa sa ginanap na signing ng Service Contract (SC) 38 renewal agreement para sa Malampaya Deep Water Gas-to-Power Project.
Ginanap ang naturang seremonya sa Palasyo ng Malacañang nitong umaga ng Lunes, Mayo 15.
Sa pag-renew ng SC 38, ani Pangulong Marcos, inaasahan ng pamahalaan ang patuloy na produksiyon at paggamit ng natitirang reserba ng Malampaya gas field, gayundin ang karagdagang exploration at development ng hindi pa nagagamit na potensiyal nito.
At sa pamamagitan ng Malampaya project, mababawasan ang pag-asa ng bansa sa pag-import ng langis at matitiyak ang mas matatag na suplay ng mas malinis na enerhiya mula sa isang indigenous source.
Nagpahayag naman ng tiwala si Pangulong Marcos sa capability at competence ng SC 38 Consortium sa paghawak ng proyekto.
Samantala, nanawagan ang punong ehekutibo sa Department of Energy (DOE) na pangasiwaan ang implementasyon ng proyekto.
Iniutos din ni Pangulong Marcos sa DOE ang mahigpit na pagsusubaybay sa proyekto at tiyaking ang mga layunin ng consortium ay naaayon sa pambansang interes ng bansa.
Sa kabilang banda, malugod na tinanggap ni DOE Secretary Raphael Lotilla ang pag-renew ng SC 38 at sinasabing masusing sinusuri ng ahensiya ang consortium.