PCG, naghigpit sa kanilang patrolya vs ilegal na droga

PCG, naghigpit sa kanilang patrolya vs ilegal na droga

MAS hinigpitan pa ngayon ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kanilang pagbabantay sa mga karagatan at baybayin ng bansa laban sa mga tangkang pagpupuslit ng mga ilegal na droga.

Ngayong Marso 2024, nakapagtala ang PCG ng limang insidente ng pagtatangkang maipasok sa bansa ang bloke-blokeng cocaine

Kaya naman agad na nagbigay direktiba ang pamunuan nito na mas paigtingin pa ang pagpapatrolya sa karagatan at mga baybayin sa bansa para mapigilan ang pagpasok ng ipinagbabawal na mga gamot

Batay sa kanilang monitoring:

Marso 1, 2024 isang brick ng cocaine ang kanilang narekober sa karagatan ng Brgy. Bungtod, Tandag City, Surigao del Sur., nagkakahalaga ito ng mahigit P5-M.

Marso 4, 2024, nang namataan din ang isang brick ng cocaine sa kaparehong lugar na may halagang P5.7-M.

Apat na araw lang ang lumipas nang muling nakarekober ang PCG ng 21 bricks ng cocaine sa dalawang magkahiwalay na lugar.

Nakuha ang 20 bricks ng cocaine sa baybayin ng Arteche, Eastern Samar habang isa naman sa Surigao del Norte na may pinagsamang kabuuang halaga na P111-M.

Batay sa rekord ng PCG, umabot na sa P122-M na halaga ng cocaine ang kanilang naitala ngayong Marso.

Sa pahayag ng coast guard, nasa eastern seaboard ng bansa ang kadalasa’y may kaso ng floating cocaine.

Sa ngayon, kaliwa’t kanang koordinasyon ang ginagawa ng ahensiya para matiyak na hindi makalulusot ang anumang uri ng ilegal na droga sa bansa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble