BINATIKOS ng Partido Demokratiko Pilipino Lakas ng Bayan (PDP-Laban) ang ipinataw na 30 araw na suspensiyon ng National Telecommunications Commission (NTC) sa operasyon ng Sonshine Media Network (SMNI).
Sa opisyal na pahayag ng PDP-Laban, isa itong malinaw na banta sa press freedom o sa kalayaan ng pamamahayag sa bansa.
Matatandaan na una nang sinuspinde ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang dalawang programa ng SMNI na ‘Laban Kasama Ang Bayan’ at ‘Gikan sa Masa Para sa Masa’.
Ayon kay PDP-Laban Secretary-General Atty. Aimee Torrefranca-Nerio, ang sunud-sunod na hakbang ng dalawang ahensiya ng gobyerno na walang due process sa isang lehitimomng media entity sa bansa ay ngayon lang nangyari sa kasaysayan ng Pilipinas.
Aniya, isa itong malinaw na patunay na ang karapatan sa malayang pamamahayag ay nanganganib na o under threat sa bansa.
Una nang kinondena ng PDP-Laban ang pagsuspinde ng MTRCB sa programa ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte na ‘Gikan Sa Masa, Para Sa Masa’.
Kinuwestiyon din ng partido ang 30-day suspension sa SMNI na wala man lang pagdinig sa panig ng network o hindi man lang ipinatawag ang pamunuan ng SMNI para makapagpaliwanag.