MATAPOS ang naganap na ika-apat na joint meeting sa pagitan ng mga miyembro ng Provincial Peace and Order Council (PPOC), Anti-Drug Abuse Council (ADAC) at Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) na pinangunahan ni Governor Manuel Mamba.
Iprinisenta ng 17th Infantry Battalion na siyam na lamang ang natitirang aktibong miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Cagayan na pinangungunahan ng isang Ka Simoy.
Ani Lt.Col. Oliver Logan, commanding officer ng 17th IB, anim mula sa nasabing bilang ay mula sa katutubong Agta na mula rin sa lalawigan ng Cagayan.
Patunay rin aniya ito na paliit na nang paliit ang bilang ng mga rebelde sa lalawigan dahil na rin sa walang sawang suporta ng gobernador.
Kaya naman buong pagmamalaki ni Gov. Mamba at nanghihikayat ito na bisitahin ang kanilang probinsiya dahil naging maunlad at maganda na ang kanilang mga daan na siyang mas nagpadali na ma-access ang mga naggagandahan nitong mga dagat at resort lalo na ang Calayan Island matapos humina ang presensiya ng insurhensiya sa lalawigan.
“Ako po ay nag-iimbita sa lahat ng mga vacationer, pumunta sa ating probinsya. Maganda po ‘yung mga daanan namin dito. Our provincial roads and national roads at ‘yung connectivity namin dito maganda na po,’’ ayon kay Gov. Manuel Mamba.
Samantala, may panawagan naman ito sa kanilang Sangguniang Panlalawigan matapos tapyasan ang pondo para sa peace and order na hindi pa naman tapos ang problema sa insurhensiya kahit sabihin pang mahina na lamang ang mga ito.
‘‘Hindi rin namin maintindihan dahil ‘yong napapasa ‘yung aming budget kaso tinanggalan ‘yong peace and order part ng 33% o about P50-M eh kailangang kailangan po namin ito para makatulong sa mga operation. Makatulong sa ating mga incentive. At the same time ‘yung intelligence community natin dito kailangang kailangan ng tulong at including mga equipments ng mga pulis natin. Including that of the army at ito po ay itinutulong natin sa kanila,’’ dagdag ni Gov. Mamba.
Malaki naman ang pasasalamat nito sa mga kasundaluhan, pulis at mga marino na siyang nagbubuwis ng kanilang buhay upang masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan.
Kabilang naman sa mga napag-usapan pa sa kanilang joint meeting ay ang kanilang krusada kontra korapsiyon lalo na ngayong panahon ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) kaya tinututukan nila ngayon ang mga paaralan at kolehiyo sa pagpapakalat ng mga impormasyon patungkol sa disadvantage ng vote buying.
Ani Mamba, ito ang pinakanaaabusong gawain tuwing panahon ng eleksiyon kaya nais nitong protektahan ang mga kabataan lalo na’t ang mga nasa grade 11 at grade 12, o maging ang mga nasa kolehiyo, mga first time voter at ayaw nitong mabahiran ng kahit anong vote buying incident na paniguradong magiging normal na lamang sa kanila sa oras na ito’y tumanda na.
Bagama’t payapa ay kailangan pa rin aniyang maging mapagmatyag lalo na’t maaring maging personalan ang laban ng mga kandidato kaya mas palalakasin pa nito ang kanilang krusada kontra korapsiyon.