NA-release na mula sa pagkaka-detine sa Kamara si Cagayan Governor Manuel Mamba.
Ito’y matapos magpalabas ng temporary restraining order ang Supreme Court laban sa dalawang desisyon ng House panel sa pag-cite in contempt sa opisyal.
Ayon kay House Sergeant-at-Arms Napoleon Taas, kaninang alas-nuebe a-onse ng gabi inaprubahan ng House Committee on Public Accounts at ng Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang mosyon ni SAGIP Party-List Representative Rodante Marcoleta na palabasin si Mamba.
Pero nilinaw ni Taas na mananatili pa rin ang order of contempt laban kay Mamba at aalisin lamang ito kapag matanggap na ang kopya ng withdrawal ng TRO na inihain ni Mamba sa Supreme Court.
Matatandaan na na-cite in contempt ng Kamara si Mamba matapos ang mosyon ni Antipolo Second District Rep. Romeo Acop na nagpahayag sa kabiguan ni Mamba na dumalo sa joint committee hearing ng Kamara sa nakalipas na tatlong buwan.
Ang dalawang imbestigasyon kay Mamba ay may kaugnayan sa umano’y pagkakasangkot nito sa pamamahagi ng cash assistance noong 2022 elections na ipinagbabawal sa batas.
