PASADO sa ikalawang pagbasa sa Kamara nitong Martes, Agosto 8 ang House Bill (HB) 8466 o ang panukalang Philippine Indigenous Games Preservation Act na naglalayong alagaan at panatilihin ang mga katutubong kultura at laro ng mga Pilipino.
Sa ilalim ng panukala, ang Philippine Sports Commission kasama ang Philippine Olympic Committee, National Commission on Indigenous People (NCIP), at local government units (LGU) ay magsasagawa ng regional at national indigenous sports competitions bawat taon sa bansa.
Ang mga katutubong laro ay isasama rin bilang regular demonstration sports sa Palarong Pambansa at iba pang national sports events.
Bukod dito, pasado rin ang HB 8468 o ang panukalang Philippine National Games Act na nagmumungkahi ng institusyonalisasyon sa pagsasagawa ng Philippine National Games (PNG) o pambansang kompetisyon sa palakasan ng pamahalaan na gaganapin isang beses bawat dalawang taon.
Magsisilbi rin itong hakbang upang mangalap ng mga atleta sa iba’t ibang laro na maging pambato para sa pambansang kompetisyon.