Philippine Air Force, pormal nang tinanggap ang bagong T-129 ATAK helicopters

Philippine Air Force, pormal nang tinanggap ang bagong T-129 ATAK helicopters

PORMAL nang nai-turn over sa Philippine Air Force (PAF) ang dalawang T-129 ATAK helicopters at isang C-295 medium lift aircraft.

Gagamitin ang mga ito sa pinalakas na close air support at iba pang operasyon ng Armed Forces ng bansa.

Pinangunahan mismo ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang seremonya para sa opisyal na turnover ng dalawang bagong T-129 helicopters at isang C-295 medium lift aircraft sa Philippine Air Force.

Ito’y matapos na sumailalim sa test flights at ilang pagsusuri sa kakayanan ng naturang air assets ng Philippine Air Force.

Ayon kay Air Force Commanding General LtGen. Connor Anthony D. Canlas Sr., ang nasabing air assets ay tiyak na may malaking papel na ginagampanan sa patuloy na pagpapalakas ng pwersa ng bansa sa mas mabilis na paraan at bilang inspirasyon na rin sa mga Pilipino sa bumubuting sandatahang lakas ng Pilipinas.

“For us, these new aircraft will not just beef up our capabilities but, in deep retrospect, carry the hopes and aspirations of what we want as an Air Force, to become a more agile and dependable organization,” pahayag ni Canlas.

Nauna nang sinabi ni Air Force Spokesperson Col. Maynard Mariano na malaking tulong sa surface strike capabilities ng Philippine Air Force (PAF) ang pagdating ng dalawa sa anim na bagong biling T-129 ATAK helicopters.

Nasa kabuuang anim na units ng T-129 aircraft ang binili ng PAF bilang bahagi ng AFP Modernization Plan – Horizon 2.

Sa ngayon, hindi pa masabi kung kailan idi-deliver ang apat pang unit ng nasabing aircraft.

Ang 15th Strike Wing ng PAF ang siyang mag-operate sa T-129 helicopters na gagamitin bilang Close Air Support sa mga ground troops and armed surveillance and reconnaissance.

Ang T-129 ay hindi nalalayo sa attack helicopter gaya ng AH-1S Cobra na galing sa bansang Jordan na itinuturing na isa sa pinakamalakas na attack helicopters sa buong mundo.

Oras na makumpleto na ang anim na ATAK helicopters ng Pilipinas, ito na ang mas modernong attack helicopters na mayroon ang Philippine Air Force.

Ang anim na T-129 attack helicopters ay nagkakahalaga ng PHP12.9 billion na binili mula sa Turkish Aerospace Industries sa pamamagitan ng government-to-government mode of procurement sa ilalim ng Republic Act 9184.

Ang T-129 ATAK helicopter ay twin-engine, tandem seat, multi-role at all-weather attack helicopter.

Ayon sa AFP,  magiging game changer sa kanilang mga misyon ang mga bagong kagamitan na dumarating sa bansa lalo na sa patuloy na kampanya ng pamahalaan kontra CPP NPA.

BASAHIN: F-16 fighter jets, kabilang sa planong bilhin ng Pilipinas

Follow SMNI News on Twitter