PINAHAHALAGAHAN ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang malusog na pangangatawan at mental health ng mga kabataan para mas maayos silang makapag-aral.
Ngayong araw ng Miyerkules, Enero 24, 2024 ay pinangunahan ng pangalawang pangulo ang paglulunsad ng school-based feeding program at mental health program sa mga pampublikong paaralan.
“Dapat maintindihan ng lahat na kailangan nating suportahan ang ating mga kabataan hindi lang sa academics nila kasama na ‘yung kanilang mental health at sa kanilang nutritional health,” pahayag ni Vice President Sara Duterte.
Kabilang sa school-based feeding program ng Department of Education (DepEd) ang sterilized carabao’s milk at Enhanced Nutribun na ibibigay sa lahat ng kinder at undernourished Grades 1-6 students.
Ang Enhanced Nutribun ay may iba’t ibang flavors at puno ng sustansiya na kinakailangan ng mga estudyante.
Bukod sa gatas at nutribuns, may ihahain din na mga hot meal sa mga eskwelahan.
Budget ng DepEd para sa feeding at mental health program, dumoble ngayong 2024
Tumaas naman ang budget ng DepEd para sa kanilang feeding program ngayong 2024.
Gayundin din ang budget para sa mental health programs na dumoble mula P97-M noong 2023 sa P210-M para sa kasalukuyang taon.
“Nakakaapekto din kasi ‘yung gutom ang isang bata na pumapasok sa paaralan. Nakakaapekto sa kaniyang pag-intindi at pag-aaral. Kaya pinaglaban namin na dumoble ang budget ng school-based feeding program natin at tsaka dumoble din ‘yung budget natin for mental health programs natin,” dagdag ni VP Sara.
Bahagi ng mental health program ng DepEd ay ang pagsasanay sa mga guro na malaman kung may pinagdadaanan ang isang estudyante o nakararanas ng problema sa mental health.
Nagsanay rin ang ahensiya ng 10,000 tauhan para sa pagbibigay ng psychological first aid.