Pilipinas, moderate risk na matapos bumaba ang kaso ng COVID-19- DOH

Pilipinas, moderate risk na matapos bumaba ang kaso ng COVID-19- DOH

NASA moderate risk na muli ang classification ng Pilipinas dahil sa pagbaba ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 ayon sa Department of Health (DOH).

Ayon kay DOH Epidemiology Bureau Director Dr. Alethea de Guzman, aabot sa 4% ang ibinaba ng kaso ng COVID-19 sa nakalipas na dalawang linggo kung ikukumpara sa 27% na growth rate, tatlo hanggang apat na linggo ang nakalipas.

Matatandaang, inilagay sa high risk classification ang bansa sa loob ng higit isang buwan bago ang development na ito.

Samantala, ang mga rehiyon na nananatiling high-risk ng COVID-19 ay ang CAR, regions 1, 2, 4b, 5, 6, 9, 12 at Caraga.

Sa ngayon, aabot sa 161,447 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Nananatiling 17.12 na kaso kada isang daang libong populasyon naman ang national average daily attack rate para sa period ng September 13 hanggang 26 kumpara sa 17.80 na mga kaso para sa period ng August 20 hanggang September 12.

Nasa 67.83% naman ang COVID-19 bed utilization ng bansa at 55.16% o moderate risk naman ang mechanical ventilator utilization.

Samantala ang ICU occupancy rate ay 75.58% o nanatiling high risk.

SMNI NEWS