UMABOT na sa 646,100 ang kabuuang gumaling mula sa coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas mula nang maitala ang 41,205 bagong nakarekober sa virus.
Ayon sa huling tala ng Department of Health (DOH), ang nasabing bilang ay 81.3 percent recovery rate sa mga nahawaan ng COVID-19 sa buong bansa.
Naitala rin ng ahensiya ang 11,028 bagong kaso ng impeksyon na nagbunsod sa kabuuang bilang ng aktibong kaso sa 135,526 at sa kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso sa 795,051.
Mula sa aktibong kaso, 97.4 percent ang mild, 1 percent ang asymptomatic, 0.6 percent ang severe, 0.36 ang moderate, at 0.6 percent ang critical condition.
Dalawa lamang ang naitalang nasawi upang maging 13,425 ang kabuuang namatay sa virus.
Ayon sa datus ng DOH, 22.7 percent ng 26,624 ang sumailalim sa swab test ay nagpositibo sa sakit.
“Some 20 duplicates were removed from the total case count, and of these, eight were recovered cases. Moreover, two cases that were previously tagged as recovered were reclassified as deaths after final validation,” ayon sa DOH.
Limang laboratoryo ang hindi nakapagsumite ng kanilang datus sa COVID-19 Document Repository System noong Abril 3, 2021.
Hanggang Abril 5, nasa 60 percent ng 1,900 intensive care unit beds, 46 percent ng 13,500 isolation beds, at 50 percent ng 6,000 ward beds na inilaan para sa COVID-19 patients ang okupado.
Nasa 42 percent ng bentilador ang nagamit ng mga pasyente ng COVID-19.
(BASAHIN: Pilipinas, nakapagtala ng pinakamataas na bagong kaso ng COVID-19 sa mahigit 15,000)