IKINALUGOD ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang pagpili ng Forbes Media LLC sa Pilipinas para sa pagdaraos ng Forbes Asia Forum at Forbes Global Chief Executive Officer (CEO) Conference sa susunod na taon.
Una rito, sinang-ayunan ng pangulo sa ginanap na pulong sa Malacañang nitong Hunyo 1, ang panukala ng Forbes na maging host ang Pilipinas sa nasabing forum at pandaigdigang kumperensiya.
Kaugnay dito, sinabi ni Pangulong Marcos na magandang oportunidad din ito para makapaghikayat pa ng mas maraming foreign investors na mamuhunan sa bansa.
Ito’y lalo na sa larangan ng digitalisasyon, enerhiya, connectivity, at infrastructure development.
Gagawin ang naturang forum sa huling quarter ng 2024 kung saan tampok ang Best Under a Billion at 100 to Watch na mga kompanya sa buong Asya.
Ang Forbes Media LLC ay isang global media, branding at technology company na nakatuon sa mga balita at impormasyon tungkol sa negosyo, pamumuhunan, teknolohiya, entrepreneurship, pamumuno at mayamang pamumuhay, pati na rin sa mga espesyalidad sa pananalapi, pulitika, maliit na negosyo, cloud computing, security at management.