WALANG sariling estratehiya ang Pilipinas pagdating sa pagdepensa o pagtatanggol sa ating bansa. ‘Yan ang sinabi ni dating Defense Secretary at ngayo’y senatorial aspirant na si Norberto Gonzales.
Nobyembre 28, 2024—isang submarine ng Russia ang namataan sa Cape Calavite, Occidental Mindoro.
Disyembre 30, 2024—isang sea drone naman na may numerong HY 119 ang nakuha ng mga mangingisda malapit sa Brgy. Inarawan San Pascual sa probinsiya ng Masbate.
Sa sobrang high tech ng mga nabanggit na kagamitan, hindi namalayang nakapasok na pala ang mga ito sa teritoryo ng ating bansa.
Kung hindi pa ito lumutang sa tubig—hindi ito makikita.
Kaugnay rito, sa panayam ng SMNI News kay Gonzales sinabi nito na masyado na tayong napag-iiwanan padating sa teknolohiya kaya tayo nalulusutan ng ibang bansa.
“Talagang malaki ang pagkukulang natin diyan kaya nga importante na magdesisyon na tayo ‘yong mga namumuno sa atin dapat maunawaan na kailangan natin ng sarili nating estrategy, sarili nating plano sa depensa, wala kasi tayo nyan kaya napapabayaan natin ‘yong mga sinasabi mo na technology kung ano-ano ang pumapasok sa Pilipinas na hindi natin nalalaman,” wika ni Norberto Gonzales, Former, Secretary of National Defense.
Bilang dating kalihim ng DND—nakikita niya na wala umanong sariling estratehiya ang Pilipinas pagdating sa pagbibigay ng depensa sa teritoryo ng bansa.
“Wala talaga tayong defense strategy na sarili.”
“Unless magsimula tayong magplano hindi natin mabibigyan ng solusyon ‘yan.”
“Pero ang problema kung wala kang plano kung wala kang strategy ni hindi mo malalaman kung ano ang gusto mong hingin o bilhin importante ‘yan,” aniya.
Nauna rito’y sinabi na ng Philippine Navy ang plano nitong dagdagan pa ang kanilang mga asset na may kaugnayan sa pagpapalakas ng kanilang anti-submarine capabilities matapos mamataan ang isang Russian submarine sa Occidental Mindoro.
“Yes the modernization has, number one, a very strong CISR component for maritime domain awareness, telling us what is out there. The submarine program hindi naman sya namatay. It is now at the Department of National Defense level we submit, we defer to their wisdom on how it will proceed,” pahayag ni RAdm. Roy Vincent Trinidad, Spokesperson, WPS, PN.
Sinabi rin ng Philippine Navy na nakapagsumite na sila ng proposal para sa pagbili ng dalawa pang dagdag na corvettes o ‘di kaya’y frigate.
“We have submitted proposals for two more corvettes, I believe, or two more frigates,” ani Trinidad.
Sa huli binigyang-diin ni Gonzales na kung magkakaroon ng malinaw na plano ang gobyerno at may sarili itong estratehiya sa pagdepensa sa ating teritoryo ay malamang na mabawasan ang pagkakaroon ng sigalot sa mga pinag-aagawang teritoryo.
“Kung magkakaroon tayo ng very clear at tsaka determined effort na idepensa ang sarili natin siempre ang mga kaibigan natin magbabawas ng presence nila,” dagdag ni Gonzales.
Si Gonzales ay itinalaga ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang national security adviser noong 2005. Naging defense secretary naman siya noong 2007.