KASADO na bukas, araw ng Martes, ang pilot implementation ng single ticketing system para sa pito munang lokal na pamahalaan sa Metro Manila.
Ito ang inihayag ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) spokesperson Atty. Melissa Carunungan sa Laging Handa public briefing.
Ani Carunungan, kabilang sa nasabing mga piling lungsod ang Maynila, Parañaque, Valenzuela at Caloocan, San Juan, Muntinlupa at Quezon City.
Saad pa ng tagapagsalita, malaking ginhawa ang hakbang na ito sa mga motoristang lalabag sa batas trapiko.
Ito’y dahil sa loob ng single ticketing system ang top 20 most common traffic violation ay puwedeng bayaran sa pamamagitan ng digital payment tulad ng GCash, PayMaya at LandBank.
Idinagdag pa ni Carunungan na hindi na rin dapat kukumpiskahin ng traffic enforcer ang lisensiya ng isang violator.
Kapag naging matagumpay ang pilot testing ng single ticketing system, ay saka ito ipatutupad sa buong bansa.