HINIMOK ni Senate Minority Leader “Koko” Pimentel si Senate Majority Leader Francis Tolentino na simulan na agad ang mga hakbangin para sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Senador Aquilino “Koko” Pimentel III, nararapat lamang na magsimula na ang proseso ng impeachment alinsunod sa mandato ng Konstitusyon.
Sa isang pahayag, ipinaabot ni Pimentel kay Tolentino ang panawagan na agad ipatupad ng Committee on Rules, na kanyang pinamumunuan, ang pagsusuri sa mga patakaran ng impeachment nang walang anumang pagkaantala.
Binanggit din ni Pimentel na ang mga hakbang na ito’y hiwalay at hindi kailangang nakatali sa mga regular na legislative functions ng Kongreso, kaya maaari itong magsimula nang mas maaga.
“The Senate Majority Leader must now set the stage for the impeachment proceedings in keeping with the Constitution. It is our constitutional duty, and we must prioritize it over any election-related concerns,” ayon kay Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III.
Dagdag pa niya, habang abala ang Senado sa mga kampanya, ang pagtupad sa kanilang mga tungkulin sa ilalim ng Konstitusyon ay mas mahalaga.
Ayon kay Pimentel, ipinadala na niya ang isang liham kay Senate President Francis “Chiz” Escudero na ipinasok sa Committee on Rules para repasuhin ang mga guideline ng impeachment. Hinimok ni Pimentel ang komite ni Tolentino na aprubahan o baguhin ang mga ito para mas umayon sa layunin ng Konstitusyon.
Binigyang-diin ni Pimentel na hindi dapat masunod ang legislative calendar ng Senado sa isyu ng impeachment.
Ani Pimentel, maaari pa ring magtipon ang Senado bilang isang impeachment court na may sariling kalendaryo na hiwalay sa kanilang regular na legislative calendar.
“The impeachment trial should begin forthwith, as mandated by the Constitution,” saad nito.
Pinaalalahanan din niya na ang pagpapaliban nito hanggang Hunyo a-2 ay laban sa diwa ng batas.
Nagpahayag din si Pimentel ng pangangailangan ng isang caucus ng lahat ng senador para alamin ang antas ng interes ng bawat isa sa kasong ito at tiyakin na seryoso at mabilis ang pag-aksyon sa impeachment.
“If the Senate President calls for an all-senators caucus and there is no quorum, it reflects that more than half do not have this on their radar, do not consider this completely their priority,” ani Pimentel.
Binigyang-diin ni Pimentel na kinakailangang tugunan ng Senado ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte nang may seryosong aksyon at bilis.
Follow SMNI News on Rumble