HINDI pinalampas ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na pasinayaan ang pinaka mahabang tulay sa Pilipinas na maituturing na isang engineering marvel.
Makasaysayan ang araw na Abril 27 dahil mismong si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang nanguna sa inagurasyon ng Cebu Cordova Link Expressway (CCLEX) na pinakamahabang tulay sa Pilipinas, at itinaon pa ito sa ika–limang daan at isang anibersaryo ng tagumpay sa Mactan o ang Battle of Mactan.
Dalawang makabuluhang pagtitipon ang dinaluhan ni Pangulong Duterte sa Cebu kahapon.
Una nitong dinaluhan ang “Adlaw sa kadaugan sa Mactan” na idinaos sa Liberty Shrine at pinangunahan ang wreath laying ceremony para kay Datu Lapu-Lapu dahil sa kanyang nagawang kabayanihan.
Highlight sa pagbisita ni Pangulong Duterte ang ginawang drive by nito sa tulay mula Cebu City hanggang sa toll plaza ng municipalidad ng Cordova at isinabay ang kakaibang ribbon cutting kasama ang chairman ng Metro Pacific Tollway Corporation na si Manuel Pangilinan.
Bukod sa inaabangang benipisyong maidudulot ng CCLEX sa publiko para mabawasan ang trapiko sa mga sasakyang tatawid sa isla ng Mactan ay mapapabilis na rin ng CCLEX ang pagtawid ng mga kalakal ng mga taga Cordova papunta sa syudad ng Cebu.
“We are happy to finally announce that motorcycles below 400cc will be allowed on the CCLEX. This is to make this facility more inclusive and accessible to residents and answer a strong clamor from motorcycle users,” ayon kay Allan Alfon, CCLEX President and General Manager.
Sa darating na Hunyo ay mararanasan na sa wakas ang 10 minutong byahe mula sa Cebu papuntang Cordova sa pamamagitan ng CCLEX, kasabay na rin nito ang sidewalk para sa pedestrian at mga biker.
Maaalalang Hulyo taong 2018, ay pormal na minarkahan ni Pangulong Duterte ang panimula ng konstruksyon ng CCLEX na tinaguriang pinakamataas at pinakamahabang tulay sa Pilipinas.
Dahil sa laki ng tulong ng nasabing tulay, malugod na nagpasalamat si Cebu Gov. Gwen Garcia sa pangulo at sa suporta ni Pangilinan sa probinsya ng Cebu.
‘’This iconic architectural and engineering wonder truly a testimony of triumph. This is also a trump of public and private partnership. Where indeed government can work with the private sector in-order to accomplish great things,’’ayon kay Gov. Garcia.
Epektibo naman ang electronic toll collection sa darating na Hulyo at magpapalabas naman ng pormal na anunsyo ang CCLEX sa magiging halaga ng toll free sa mga motorista.