INIULAT ng Department of Agriculture (DA) na umabot na sa higit P50 milyon ang halaga ng inisyal na pinsala sa agrikultura.
Batay sa initial assessment ng DA-Regional Field Offices, apektado ang higit 2,300 magsasaka sa Cordillera Administrative Region (CAR), CALABARZON, MIMAROPA, at Region XIII.
Sa inisyal na datos ng DA-Disaster Risk Reduction and Management (DA-DRRM) Operations Center, higit 3,100 ektarya ng sakahan ang napinsala kung saan umaabot sa 1,871 metriko toneladang mga produkto ang naapektuhan.
Ang mga produktong ito ay mga palay, mais, livestock at poultry.
“So, ‘yung pinakamalaking damage natin ngayon is recorded sa Occidental Mindoro, ‘yung rice area natin close to 2,000 hectares ang damage doon is reported already as P20 million.”
“Yung pagbabaha sa Agusan del Sur kaya naapektuhan ‘yung ating mga maisan doon about P18 million worth na damage report.
Definitely, we are expecting na medyo tataas pa ito sa mga susunod na oras o araw dahil ‘yung ating ibang ground personnel ay umiikot at kumukuha ng damage reports,” ayon kay Arnel de Mesa, Assistant Secretary for Operations, DA.
Suplay ng bigas, karne at gulay, sapat pa sa kabila ng masamang panahon—DA
Sa usapin ng suplay ng mga pangunahing bilihin ay walang dapat na ikabahala ang publiko.
Pagtitiyak ni DA Asec. for Operations Arnel de Mesa, sapat ang suplay ng bigas, karne at gulay.
Kung kaya’t, walang dahilan para magtaas- presyo sa mga nabanggit na commodities at iba pang pangunahing bilihin.
“Madali tayong maka-recover dahil ngayon naka-standby ‘yung ating calamity fund, ‘yung ating Quick Respond Fund at tsaka ‘yung ating seed reserve para doon sa mga maapektuhan kung kinakailangang magtanim ulit ay naka-ready ‘yung ating buffer stock,” dagdag ni Arnel de Mesa.
Agri-group, pinamamadali sa pamahalaan ang pamamahagi ng tulong sa mga magsasaka
Pero, ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) kailangan nang madaliin ng pamahalaan ang pamamahagi ng tulong.
Ito’y upang matiyak na makapagtanim ulit ang mga magsasaka at masiguro ang kasapatan ng lokal na produksiyon.
Pinangangambahan ang pagnipis sa suplay ng bigas lalo na ipinatupad na ng India ang rice export ban na makakaapekto sa suplay sa world market.
DSWD, tuluy-tuloy sa pamamahagi ng tulong sa mga pamilyang apektado ng pananalasa ng Bagyong Egay
Sa bahagi naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), tuluy-tuloy ang kanilang pagpapaabot ng tulong.
Nasa P11.4-M ang halaga ng tulong kasama na ang family food packs at non-food items.