NAGPAHAYAG ng labis na kagalakan si Punong Ministro Srettha Thavisin sa kanilang pagkikita ni President Vladimir Putin sa Beijing.
Para sa pinuno ng Thailand ang pakikipagkita kay Putin ay isang napakalaking pagkakataon para sa muling pagpapatibay ng relasyon sa pagitan ng Thailand at Russia.
Malaki ang paniniwala ni Srettha na ang parehong partido ay dapat magtulungan upang palakasin at palalimin ang kanilang relasyon para sa kapayapaan at kaunlaran.
Pinuri naman ni Pangulong Putin ang matagal at malapit na relasyon ng Thailand sa Russia kung saan binigyang-diin ng pangulo ang pangangailangan ng magkabilang panig na mas paghusayin ang kanilang kooperasyon partikular na sa aspeto ng kultura at turismo.
Ipinaalam din ng punong ministro kay Putin ang naging desisyon ng Thailand noong Oktubre 16 na pahabain pa ang pananatili ng Russian tourists sa Thailand mula sa 30 araw hanggang 90 araw na pamamalagi ng mga ito sa bansa.
Tinalakay rin ng magkabilang panig ang mga mahahalagang bahagi ng pagtutulungan lalo na sa larangan ng politika kung saan pareho nilang sinusuportahan ang pagpapalitan ng kaalaman at karanasan sa mga tauhan ng mga security council ng parehong bansa.
Sa larangan naman ng ekonomiya, kinilala ng magkabilang panig ang pangangailangan sa pagpapadali ng kalakalan kung saan nanawagan ang punong ministro sa Russia na isulong ang kalakalang pang-agrikultura at nagpaabot din si Strettha ng imbitasyon sa pangulo ng Russia na bumisita sa Thailand na tinanggap naman ni Putin.