PINANGUNAHAN ng PNP Training Service sa Camp Crame ang demonstrasyon sa pinakabago at kauna-unahang gun simulator system.
Ang nabanggit na gun simulator ay galing pa sa Amerika at nagkakahalaga ng 6 na milyong piso.
Sa naturang gun simulator system, gagamit ng tunay na baril ang mga police trainee ngunit hindi na ito nilalagyan ng tunay na bala dahil meron itong laser system at nilalagyan ng CO2 ang magazine ng baril habang ang target ay makikita sa high definition screen at maaaring pumili ng iba’t ibang scenario.
Binili ito ng PNP sa layuning madagdagan ang porsiyento o bilang ng mga pulis na nakakapasa sa tinatawag na marksmanship training, 2 beses kasi sa isang taon sumasailalim sa training ang mga police personnel.
Sa nasabing marksmanship training, binibigyan lamang sila ng 40 beses na pagkakataon na magpaputok, para sa ibang pulis hindi ito sapat para makuha ang tamang pag-asinta sa target.
Aminado ang PNP na limitado lang ang bala na kanilang ibinibigay para sa training, umaabot kasi sa 26 na piso ang halaga ng kada bala ng baril.
Dahil dito 80% lang ng mga police ang nakakapasa sa marksmanship training, 20% rito ay bumbagsak.
Sa pamamagitan ng bagong simulator system ay malaki ang maitutulong nito para mas mahasa pa ang mga police trainee sa paghawak, paggamit, at pag-asinta ng mga target.
Ayon kay PNP-Training Service Director Pcol. Radel Ramos, maliban sa pagsasanay ay makababawas din ito sa gastos ng PNP sa pagbili ng mga balang ginagamit para sa firearm training ng mga kapulisan.
Tiniyak ng PNP na sa pamamagitan ng pasilidad na ito ay mas tataas ang gun proficiency at efficiency ng mga pulis lalo na sa pagsugpo laban sa kriminalidad saan mang panig ng bansa.
Sa ngayon ang Kampo Krame palang ang mayroong ganitong pasilidad ngunit target na PNP na dadami pa ito sa iba’t ibang PNP regional offices sa bansa.