PNP, pinaalalahanan ang publiko sa health protocols sa pagkuha ng National ID

PNP, pinaalalahanan ang publiko sa health protocols sa pagkuha ng National ID

PINAALALAHANAN ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na sundin ang ipinatutupad na health protocols sa pagpaparehistro para sa National ID system.

Inatasan ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar ang lahat ng police commanders na i-monitor ang PhilSys registration sa bawat area of responsibility kaugnay sa patuloy na kampanya sa pagpaparehistro sa National ID system.

Patuloy na hinihimok ng pamahalaan ang publiko na magparehistro sa ilalim ng National ID system.

Mahalaga ito upang mapabilis ang anumang transaksyon na kailangan ng isang Pilipino dahil sa iisang ID na lamang ang kakailanganin sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Matatandaang, una  nang inireklamo ng marami ang pahirapang pagproseso ng mga benepisyo mula sa pamahalaan dahil sa haba ng pila at paiba-ibang ahensya na dapat puntahan ng isang indibidwal.

Pero ayon sa pamahalaan, ngayong may National ID system na ang bansa ay mahalaga na agad itong bigyan ng pansin ng publiko.

Kasabay ang paalala ng mga otoridad sa istriktong pagsunod sa mga ipinatutupad na minimum health protocol laban sa COVID-19.

Ayon kay PNP Chief Police General Guillermo Eleazar, hindi dapat na maging super spreader ang pagpaparehistro para sa National ID upang maiwasan ang hawaan ng sakit na COVID-19

“Maganda po ang layunin nitong National ID para sa ating lahat. Kaya nga lamang po, dapat po natin siguraduhin na ating sinusunod ang minimum health safety protocols sa registration. Ang ating pagpaparehistro para sa national ID ay hindi dapat maging super spreader event na sanhi pa ng hawaan ng COVID-19,” pahayag ni Eleazar.

Ito ay matapos ang insidente sa San Jose del Monte, Bulacan kung saan dumagsa ang publiko kahit walang appointment.

Kumalat din ang mga larawan at video sa social media kung saan hindi nasunod ang physical distancing sa lugar.

Punto pa ng heneral, walang nakatitiyak sa mga katabi ng isang tao kung may sintomas na ba ito ng sakit na COVID-19.

Bagay na muling ipinaalala ang pagbabawal sa mass gathering.

“Hindi po natin alam kung ang iyong sinusundan o kasunod sa pila o ‘di kaya kasiksikan ay COVID positive o hindi. Kaya kailangan pa din natin mag-ingat at gawin ang minimum health standards lalo na ang pananatili ng physical distancing at ang pag-iwas sa mga mass gathering,” ani Eleazar.

Ayon sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA), mahigit sa isang milyon na ang nakapagpatala sa programa.

Bagama’t naiintindihan naman ng PNP ang agarang pagpaparehistro, pero mas mainam pa rin aniya na masunod ang mahalagang panuntunan sa pagiwas sa hawaan ng sakit.

Aniya, kung hindi rin mahalaga ang paglabas ng bahay o walang appointment, mas mainam aniya na huwag nalang muna tumuloy sa labas.

“By schedule naman po ang pagpaparehistro sa ating national ID system kaya mas komportable at convenient kaysa sa tayo ay mag-walk-in na hindi tayo sigurado kung tayo ay mairerehistro ba. Kung lahat ay basta pupunta lang sa mga registration centers, bukod sa magulo at siksikan, mas lalo po magtatagal ang proseso ng rehistro,” ani Eleazar.

Para mas lalonng matiyak ang kaligtasan ng publiko sa mga lugar ng registration, pinayuhan din ang mga tauhan nito sa pulisya na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan.

(BASAHIN: 70-M indibidwal, target na mairehistro para sa national ID ngayong taon)

SMNI NEWS