PNP security para sa mga media practitioner, inihahanda na

PNP security para sa mga media practitioner, inihahanda na

SERYOSO ang Philippine National Police (PNP) sa pagbibigay proteksiyon sa mga media practitioner sa bansa.

Ayon sa PNP, agad na magsabi kung nakararanas ang mga mamamahayag ng banta sa buhay.

“Maganda nga sana kung tayo ay magkausap-usap para nang sa ganun ay malaman po natin ‘yung threat level po ng bawat media personalities po natin,” pahayag ni Azurin.

Anumang oras, bukas ang pambansang pulisya para sa isang pulong sa pagitan ng mga mamamahayag upang malaman ang sitwasyon ng mga media personality sa bansa.

Batid ng PNP na hindi madali ang trabahong ito pero bukas silang gawin ito para sa kapakanan at proteksyon ng mga mamamahayag.

Kaya naman, patuloy ang pakiusap ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., sa lahat ng media practitioner sa bansa.

“Ang pakiusap lamang po natin sa ating mga media personnel sana po pag nararamdaman po ninyo na medyo nanganganib o nangangamba na po ang inyong buhay dahil dala nga po ng pagtupad ninyo sa inyong trabaho, huwag na nating antayin, antayin pa natin ‘yung nangyari kay Sir Percy but rather it would be better siguro kung impormahan niyo po kami so that we can provide you security kung may mga suspect man kayo napaghihinalaan at least makita po natin kaagad or maimbestigahan po natin,” ayon kay Azurin.

Ani Azurin, inihahanda na ng kanilang hanay ang security details para sa mga media practitioner sakaling kailanganin ito anumang oras.

Ito’y upang maiwasan na sapitin ng mga mamamahayag ang nangyari kay Percy Lapid dahil sa pagtupad sa kanyang tungkulin.

“At kung kinakailangan na magkaroon din po kayo ng security then I will provide one for you,” ayon pa ni Azurin.

Sa ngayon, inalerto na nito ang lahat ng istasyon ng pulisya sa bansa na maging maagap ang mga ito sa mga sumbong ng  alinmang media outlet kung makaranas ang mga ito ng pang-aabuso sa paligid lalo na kung banta na sa buhay ang pinag-uusapan.

Isa sa mga kontrobersiyal na usapin ngayon ay ang patuloy na pangangalap ng mahalagang impormasyon sa ikadarakip sa salarin ng brodkaster na si Percy Lapid na pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang mga suspek.

Kasabay nito ang mahigpit na pagsasagawa ng imbestigasyon sa kaso at panawagan sa publiko na hanapin ang nasa likod ng pamamaslang kapalit ang reward money na P6.5-M-.

Nauna nang humingi ng sapat na panahon ang PNP sa ikalulutas ng kaso gayunpaman hindi sila tumitigil sa kanilang trabaho hanggat hindi napapanagot ang salarin.

Follow SMNI NEWS in Twitter