TINIYAK ng Philippine National Police (PNP) na hindi makakaapekto ang naganap na pamamaril sa Ateneo de Manila University sa plano at ipinatutupad ngayon na seguridad para sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Ayon kay PNP director for operations police Major General Valeriano De Leon, nagpapatuloy ngayon ang imbestigasyon upang matukoy kung paano nailusot ng suspek na si Dr. Chao Yumol ang baril sa loob ng paaralan.
Sinabi ni De Leon na inatasan ni PNP OIC LGen. Vicente Danao Jr. si QC Police District Chief PBGen. Remus Medina na paigtingin pa ang security measures na ipinatutupad sa Quezon City.
Ito ay sa pamamagitan ng mas mahigpit na checkpoints at pagpatutupad ng gun ban sa Metro Manila na nagsimula noong Hulyo 22 at magtatapos sa Hulyo 27, 2022.
Nitong Linggo, kabilang sa napatay sa shooting incident sa tapat ng Arete building sa loob ng campus ng Ateneo si dating Lamitan City, Basilan, Mayor Rose Furigay, ang kanyang aide na si Victor Capistrano at university guard Jeneven Bandiala.
Dahil sa insidente, nakansela ang graduation ng Ateneo Law School kung saan dadalo sana si Furigay para sa kanyang anak.