TODO-iwas si PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil sa kontrobersiyal na open letter ni Vice President Sara Duterte.
Tumutukoy ito sa reklamo ni Vice President Sara sa pagtatanggal ni Marbil sa mga pulis na matagal nang nagbabantay sa bise presidente.
Ayon kay VP Sara, wala siyang natanggap na request ni Marbil na magtatanggal ito ng pulis sa kaniyang tanggapan.
Hindi rin katanggap-tanggap ani VP Sara ang tahasang pag-aalis ng mga pulis sa kaniya para idagdag na puwersa ng Metro Manila gayong nangangailangan din ng pulis ang Mindanao.
Ilan lamang ito sa mga bagay na kinuwestiyon ni VP Sara kay Marbil.
Pinangangambahan din ni VP Sara na nagawang alisan siya ng security ng PNP sa kabilang ng pangangailangan nito bilang ikalawa sa pinakamataas na opisyal ng bansa paano na lang aniya ang mga ordinaryong mamamayan na nalalagay sa alanganin.
Nauna nang ipinunto ni VP Sara na ang Vice Presidential Protection Division na nasa ilalim ng Police Security and Protection Group ay isang kautusan ng NAPOLCOM na hindi kinakailangang pakialaman ng PNP dahil sa isyu ng “trust and confidence”.
Matatandaang pinagsisibak ni Marbil ang nasa 75 pulis na nakatalaga kay VP Sara matapos na ito’y magbitiw bilang DepEd Secretary.