KAKASUHAN ng PNP Criminal Investigation and Detection Group Regional Field Unit ang tinaguriang poblacion girl na si Gwenyth Chua, kasama ng kanyang mga magulang dahil sa paglabag sa quarantine protocol ng pamahalaan.
Lumabas sa masusing imbestigasyon ng PNP CIDG Regional Field Unit na malaki ang naging paglabag ni Chua at iba pang indibidwal matapos itong tumakas sa kanyang mandatory quarantine.
Alas 11:23 ng Disyembre 22 nang hinatid si Chua sa Berjaya Hotel.
Makalipas ang dalawamput tatlong minuto, sinundo si Chua ng ama nito gamit ang isang SUV at saka umalis ng hotel.
Disyembre 23 nang namataan si Chua sa Poblacion Makati na nakipagkita sa mga kakilala nito sa isang Kampai Bar at Mijo Comfort Food sa pamamagitan ng CCTV footages at mga testigo dito.
Alas 9:00 ng Disyembre 25 nakitang bumalik si Chua sa Berjaya Hotel kasama ng ina nito.
Disyembre 26 nang lumabas ang RT PCR test result nito na positibo siya ng COVID-19.
Bukod kay Gwenyth at mga magulang nito, may siyam na iba pang indibidwal na papanagutin ng CIDG dahil sa malaking paglabag nito sa health at quarantine protocol ng pamahalaan.
Ayon kay CIDG Director Major General Albert Ferro, tahasang binalewala ni Chua ang nakasaad sa IATF at DOH Guidelines Rule XI Section 1 ng Republic Act 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.
“CIDG’s investigators concluded that Ms. Chua, being a Returning Filipino Overseas (RFO) is obliged to follow the health protocol being imposed by IATF & DOH and her action of leaving the quarantine facility and disregarding the quarantine procedure violated Rule XI Section 1 (g) (iii), (iv) of the IRR of R.A. 11332 (Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act),” pahayag ni Ferro.
Umaasa si Ferro na magsisilbi itong leksiyon sa mga Pilipino na mahalagang sundin ang ipinatutupad na polisiya ng IATF upang matiyak na mapangangalagaan ang kasulusugan ng publiko.
“Let this be a lesson for each and every one of our fellow Filipinos. The pandemic is still at bay and we still need to be cautions in our actions. This is proof that the procedures and policies set by the IATF, especially on quarantine and isolation is vital for securing the welfare and wellness of the people. And everyone must adhere to the established protocols,” ani Ferro.
Sa ngayon, nananatili pa ring nasa isolation facility sa Metro Manila si Chua matapos itong magpositibo ng COVID-19.
Nilinaw naman ng CIDG na hindi na nila isasama sa pagkakaso ang mga naging close contact ni Chua.
Ayon sa ahensiya walang mabigat na dahilan para isali ito sa pagsasampa ng kaso bagkus nananawagan ang CIDG sa iba pang indibidwal na maghain ito ng reklamo laban kay Chua dahil sa naturang paglabag.