Posisyon ni PBBM na pag-aralan ang pag-anib muli sa ICC, ginagalang ni VP Sara

Posisyon ni PBBM na pag-aralan ang pag-anib muli sa ICC, ginagalang ni VP Sara

NAGSALITA na si Vice President Sara Duterte sa naging posisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na pag-aralan muli ang pag-anib ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Vice President Sara, ginagalang niya ang posisyon ni Pangulong Marcos ukol sa ICC.

“We all should respect the position of the President being the Chief Architect of foreign policy. So iyon po lahat dapat ang posisyon nating lahat,” pahayag ni Vice President Sara Duterte.

VP Sara, maninindigan sa kaniyang posisyon laban sa ICC

Pero iginiit ni Vice President Duterte na maninindigan siya sa kaniyang posisyon laban sa panghihimasok ng ICC.

Una nang sinabi ng pangalawang pangulo na maliban na isang paglabag sa Konstitusiyon ang payagan ang ICC na mag-imbestiga sa Pilipinas ay pangmamaliit din ito aniya sa mga legal institution ng bansa.

“We will continue to reach out to the Department of Justice regarding our position on this matter. And we will lay down the legal basis of our position with the DOJ,” dagdag ni VP Duterte.

Sa tanong na kung bakit tila biglang nagbago ang posisyon ni Pangulong Marcos ukol sa

ICC, ito ang naging sagot ni Vice President Duterte.

“I cannot speak for the President. We need to ask the President on this matter,” ani VP Duterte.

Matatandaang sinabi noon ni Pangulong Marcos na anumang imbestigasyon na gagawin ng ICC ay isang panghihimasok sa mga panloob na usapin, at isang banta sa ating soberanya.

Dagdag pa ng Pangulo na hindi makikipagtulungan ang Pilipinas sa ICC sa anumang paraan.

DepEd, nakapagtala ng higit 1.7-K sumbong ng pang-aabuso sa mga estudyante

Samantala, patuloy namang pinaigting ng Department of Education ang kanilang hakbang laban sa pang-aabuso sa mga estudyante.

Sa culminating program ng National Children’s Month, ibinahagi ni VP Duterte na nakatanggap sila ng higit 1,700 sumbong ng pang-aabuso sa mga estudyante mula nang inilunsad ang Telesafe Contact Center Helpline.

Pinakaraming sumbong ay verbal abuse sa mga estudyante na sinundan ng sexual abuse at cyberbullying.

“Mayroon tayong mechanism sa loob ng Department of Education, sa loob ng Learners Child Protection Office na ibinababa natin doon sa school level for resulotion iyong reklamo ng mga bata,” aniya.

Pinaaalalahanan naman ng pangalawang pangulo ang mga guro at non-teaching staff ng DepEd na hindi lamang nagtatapos ang kanilang responsibilidad sa pagbibigay ng de-kalidad na edukasyon.

“Tayo po ‘yung nangunguna, both teaching and non-teaching personnel, sa child rights and protection and mayroon talaga tayong polisiya sa child rights and protection. Kaya dapat isaisip iyon ng ating mga teaching and non-teaching personnel na dapat there is a healthy, safe space diyan sa loob ng eskwelahan para sa mga bata,” ayon pa sa pangalawang pangulo.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter