PRC, nanindigan na hindi ito pwedeng i-audit ng COA

PRC, nanindigan na hindi ito pwedeng i-audit ng COA

NANINDIGAN ang Philippine Red Cross (PRC) na hindi ito pwedeng i-audit ng Commission on Audit (COA).

Ayon sa isa sa mga governor ng PRC, illegal ang hakbang na ipa-audit ng COA ang buong PRC.

Iginiit ng Philippine Red Cross na hindi maaring maipaudit sa COA ang buong organisasyon.

Ito ay kasunod ng banta ni Panguong Rodrigo Duterte na ipuputol ng gobyerno ang suporta sa PRC kung aayaw si Senator Richard Gordon na chairman ng PRC na i-audit ng COA.

Giit ni Atty. Lorna Kapunan, isa sa mga governor ng PRC na independent at non- government oganization ang Red Cross simula pa noong taong 2009 at hindi sila pwedeng galawin ng pamahalaan.

Sa kabila nito, aminado si Kapunan na maaring i-audit ang lahat ng subsidiya na galing sa pamahalaan gaya ng inihayag ni DOJ Secretary Menardo Guevarra.

Pero pagdating sa mga pribadong donasyon giit ni Kapunan na hindi na ito kayang pakialaman ng COA.

‘’Ang private donations are private donations. Ang private donations are not government donations. Ang sinasabi ko hindi pwedeng i-audit ang buong Red Cross. Ang PRC ay hindi kay Senator Gordon, it is not own by Senator Gordon. PRC is consists of more than 100 chapters nationwide with more than 2-M volunteers existing from 2009. So klarong klaro hindi naman natin pwede i-subject sa audit ang isang independent na NGO,’’ayon kay Atty. Lorna Kapunan.

Ayon pa kay Kapunan, kalahating milyon lamang ang natatanggap na subsidiya ng PhilHealth mula sa Philippine Sweepstakes at ito ay handang i-audit sa COA.

‘’Ang pwedeng i-audit ay ang subsidies na binigay ng government. Wala pa namang binibigay na subsidy ang government. Ang nasa charter ng Red Cross only subsidies na nasa batas na ibigay sa Red Cross ay isang lotter ng Philippine Sweepstakes no. Magkano lang naman yon? Katiting lang yon. I think when I asked the Red Cross, magkano ba ang share natin sa Philippine Sweepstakes lottery eh half a million lang pwede namang i-audit yon ano,’’ayon kay Kapunan.

Pagdating naman daw sa mga subsidiya na natatanggap ng PRC sa mga ahensya ng gobyerno tulad ng DOH ay dapat ang mga ahensyang ito ang i-audit ng COA.

Giit pa ng PRC, hindi daw sila natatakot sa banta ng Pangulo.

‘’We are not siding with any gov’t any president at political party. Impartial po ang Red Cross. Neutral, independent at para sa humanitarian service so hindi po kami natatakot sa threat ng presidente ginagalang namin ang presidente but the president cannot threaten the Red Cross kasi humanitarian organization tayo,’’dagdag nito.

Samantala, naniniwala naman si Senator Richard Gordon na ang pagbabanta ng presidente sa PRC ay paraan lamang daw para ma-distract ang mga senador sa ginagawang pag-iimbestiga laban sa DOH.

SMNI NEWS