Presyo ng siling labuyo sa ilang merkado sa Metro Manila, triple ang itinaas

Presyo ng siling labuyo sa ilang merkado sa Metro Manila, triple ang itinaas

LUMOBO ang presyo ng siling labuyo sa mga pampublikong pamilihan sa Metro Manila dahil sa pagkasira ng mga plantasyon nito dulot ng mga nagdaang bagyo at sunod-sunod na pag-ulan sa bansa.

Kung noon mula sa halagang P170-P300 kada kilo mabibili ang siling labuyo sa merkado, ngayon ay mabibili na ito sa P500-P720 per kilo gaya na lamang sa Quinta Market.

Ito ay bunsod ng bagyo at sunod-sunod na pag-ulan na sumira sa mga plantasyon ng siling labuyo partikular na sa Luzon.

Batay sa inilabas na datos ng Department of Agriculture (DA) nitong Setyembre 13, ang price range ng siling labuyo ay aabot na sa P500-P800 kada kilo.

Halos triple ang itinaas sa presyo nito kumpara noong nakaraang buwan na aabot lamang sa P170-P300 kada kilo.

Ayon sa mga retailer sa Quinta Market sa Maynila, naging matumal talaga ang kita ngayon dahil hindi lamang ang sili ang nagtaas ng presyo kundi pati na rin ang iba pang mga bilihin.

Gayunpaman, kahit na mataas ang presyo ay mananatili umano silang magbebenta ng siling labuyo dahil kailangan pa rin anila ito ng mga mamimili.

Ayon kay Aleng Josephine, may ari ng kainan malapit sa palengke, hinahanap aniya ng kanilang mga customer ang sili kaya bumibili pa rin siya nito kahit napakamahal.

Sa kabila rito, inaasahan naman ng mga retailer na bababa at babalik din sa normal ang presyo ng sili pagkalipas ng ilang mga linggo.

Matatandaan na noong 2018 ay pumalo rin sa hanggang P1,000 kada kilo ang presyo ng siling labuyo sa mga pamilihan sa bansa dahil na rin sa pagtama noon ng malalakas na bagyo.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble