Proseso ng pagpaparehistro ng negosyo sa Pilipinas, mabagal—World Bank

Proseso ng pagpaparehistro ng negosyo sa Pilipinas, mabagal—World Bank

IGINIIT ng World Bank na mabagal ang proseso ng pagpaparehistro ng negosyo sa Pilipinas dahil inaabot ito ng 75 araw.

Anila, kailangang pagbutihin pa ito ng gobyerno para maging tunay na “business ready” ang bansa.

The Philippines really needs to improve to become business ready,” ayon kay Norman Loayza, Global Indicators Group Director, World Bank.

Binigyang-diin ni Loayza na dapat maging business-ready ang Pilipinas nang iprinisinta niya ang resulta ng 2024 Business Ready (B-Ready) Report.

Isa ang Pilipinas sa 50 bansa na sinuri ng World Bank upang siyasatin ang regulasyon at patakaran sa pagnenegosyo gamit ang 10 pangunahing aspeto.

Sinabi ni Loayza na marami pang kailangang ayusin at pagtuunan ng pansin ang gobyerno ng Pilipinas upang maging ganap na “business ready” at makasabay sa mas maunlad na mga ekonomiya.

Batay sa B-Ready Report, mabagal ang pagpaparehistro ng negosyo sa bansa kumpara sa ibang mga bansa.

Umaabot ng 75 araw bago maaprubahan ang isang bagong negosyo sa Pilipinas, habang tatlong araw lang ito sa pinakamahuhusay na ekonomiya sa mundo.

If we wants to attract business from informal to formal sector, if we want to create more of this dynamic private sector, then it needs to improve validly on business entry, market competition, and business insolvency. The study actually points out actually that fact that slow business entry is likely to have an effect on people talking about opening a news business,” paliwanag pa ni Loayza.

Aminado naman si Anti-Red Tape Authority (ARTA) Secretary Ernesto Perez na may mga suliranin sa idinadagdag ng mga requirement para sa mga nais magnegosyo sa bansa.

Ayon kay Perez, nagiging hadlang ito sa mas mabilis na proseso ng pagpaparehistro ng mga negosyo.

The law is there. It’s a changemaker law. It is in the implementation that we failed. And I think it’s on the level of the personnel at the frontline doing the assessment. They keep on requiring additional documents which are not supposed to happen,” pahayag naman ni Ernesto Perez, Secretary Anti-Red Tape Authority (ARTA).

Isa pa sa ipinunto sa B-Ready Report ay ang pagproseso ng paglilipat ng propyedad.

Kung sa ibang bansa ay natatapos lamang sa loob ng isang araw, sa Pilipinas ay umaabot ito ng 90 araw.

Naiiwanan din ang bansa pagdating sa paggamit ng electronic payments, regulasyon sa presyo ng produkto, at proseso ng pagkalugi o bankruptcy.

Bagama’t mataas ang nakuhang marka ng Pilipinas pagdating sa regulatory framework nito, ngunit mababa naman pagdating sa public services at operational efficiency.

Ibig sabihin, kahit malinaw ang mga tuntunin sa pagpaparehistro ng negosyo ay mabagal at mahirap pa rin ang proseso dahil kulang ang mga pasilidad at serbisyo ng gobyerno para suportahan ang mga negosyante.

Hinikayat naman ni Perez ang publiko na agad na iulat ang anumang insidenteng may kinalaman sa pagpaparehistro ng negosyo.

“If we would really like to eliminate this problem, people have to report to us. Instead just keeping it to yourself, you have to let us know so that we could immediately address them and hold the persons responsible,” ani Perez.

Sa 2025, nasa 100 bansa ang susuriin ng World Bank sa kanilang B-Ready Report habang 180 naman sa 2026 kung saan kabilang pa rin ang Pilipinas.

Umaasa ang ARTA na sa mga susunod na ulat, mas bubuti at magiging mas paborable ang kalagayan ng pagnenegosyo sa bansa.

“We have a clear actionable plan, a road map. We have clustered the agencies involved to address the issues raised and the difficulties that we have encountered in the 2024 B-Ready Report,” saad ni Perez.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble