INILABAS ng Philippine Embassy sa Japan ang mga detalye sa proseso ng postal voting.
Nilinaw at sinagot ng Embahada ng Pilipinas sa Japan ang mga katanungan ng mga botante ukol sa proseso ng postal voting.
Ayon sa Embahada, sila ay makatatanggap ng envelope mula sa COMELEC na naglalaman ng balota, seal at mga gabay na nakasulat sa wikang Filipino at English.
Nilinaw nila na may dalawang code sa mga balota, kung saan ang nasa itaas ay ang numero na magtutukoy sa kanilang precinct habang ang nasa ibaba naman ay ang kanilang individual code.
Ang mga balota ay maaaring ipadala ng mga botante sa pamamagitan ng mail o personal na ihulog sa ballot box sa Embahada ng Pilipinas sa Tokyo.
Inihayag din nila na ang double voting ay hindi posibleng mangyari sapagka’t ang mga balota na natanggap ng Embahada ay ini-ayos sa tamang order ng Special Balot Reception and Custody Group (SBCRG), at kung ang VCM ay nakabasa ng parehong code sa dalawang balota, ito ay hindi mabibilang.
Ang mga bura naman gamit ang puting marka ay mga correction na nagmula sa COMELEC.
Pinag-iingat din ang mga botante sa mga itim na marka na hindi masira ng thumb print o lagda dahil ito ay maaaring maging dahilan na hindi mabasa at maging invalid ang iyong balota.
Para naman sa mga naantalang balota, sumagot ang Embahada ng Pilipinas na nagpadala sila ng advisory at nag-post ng isyu sa kanilang opisyal na Facebook Page.
Sinabi rin nila na ang mga balota ay ipadadala sa mga botante sa pamamaraan ng alphabetical order.
Bilang tugon naman sa mga taong humihingi ng daily tally ng mga boto, nilinaw ng Embahada na hindi sila maaaring magbigay ng detalye ukol rito ayon sa batas ng COMELEC Resolution Section 34-10-751.
Pinapaalalahan din na ang lahat ng boto ay mabibilang basta ang kanilang mga balota ay umabot sa SBCRG bago sa Mayo 9 ng alas 8:00 ng gabi sa lokal na oras.
Samantala, hinihikayat naman ang lahat ng Filipino voters sa Japan na bumoto at gamitin ang kanilang kalayaan sa pagboto ngayong eleksyon.