AMINADO si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na nahirapan din sila lalo na’t magkakalayo ang mga lugar na naapektuhan ng kalamidad kaya humingi siya ng tawad dahil sa mabagal na pagtugon ng gobyerno para sa mga biktima ng Bagyong Odette.
“Ah sa akong mga kaigsunan (sa aking mga kapatiran), mga kapatid, mga kasama ko sa gobyerno. Bago ako magsabi na good afternoon, mag-apologize muna ako. Maghingi ako ng tawad na napatagal ang response sa gobyerno. Sa totoo lang hirap rin kami dito sa itaas because of the so many places scattered around at malalayo, island per island, at pati ‘yung pera,” ang naging pambungad na salita ng Pangulo sa kaniyang pagbisita kahapon sa Palawan.
Nagpaliwanag din ang Pangulo na hindi nila agad mailabas ang calamity fund dahil kinakailangan muna ng assessment sa naging pinsala sa isang lugar bago mailabas ang pera kung kaya’t hindi na niya ito hinintay.
“Yung calamity fund pati sa mga mayors kailangan may report ang damage ng isang lugar bago ma-release ‘yung pera. Kailangan ‘yung report, ‘yung calamity fund. Eh kung ‘yun ang hintayin ko, mag-report — hindi naman isang lugar eh, ang layo-layo ng mga lugar na tinatamaan. So sabi ko hindi na hintayin ‘yun, sagot — ako ang sagot ko i-release ninyo ang pera,” ayon sa Pangulo.
Gayunpaman, tiniyak ng Pangulo na mayroong P10 bilyong halaga ng perang nakalaan para sa calamity response na magmumula sa kanyang opisina.
Bukod pa rito ang inaasahang tulong mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.
Ayon kay Department of Trade and Industry Sec. Ramon Lopez, nasa 1,000 na indibidwal sa mga nasalanta ng bagyo ang makakatanggap ng tig-P10,000 bawat isa.
“Actually sa tulong ho ni Senator Bong Go, nagka-additional budget ang DTI kaya para ho sa mga naapektuhan ng Typhoon Odette, kanina ini-estimate namin ‘yung mabibigyan, 1,000 na beneficiaries, 10,000 bawat isa ‘no. So maga-allocate tayo ng 10 million para sa Province of Palawan. At bukod pa ho ‘yung Puerto Princesa, 500 po na 10,000 bawat isa so another 5 million. Fifteen million po para ho makabangon kaagad ‘yung kabuhayan ho nung mga nawalan na ating kababayan,” pahayag ni Lopez.
Inanunsyo naman ni Agriculture Assistant Sec. Kristine Evangelista na magbibigay sila ng P101 milyon para sa 20,000 na magsasaka sa Palawan.
“Mr. President, Senator Bong Go, para po sa 20,000 farmers magbibigay po ang DA ng 101 million para po sa Palawan. Tapos mayroon po tayo para sa fisherfolks naman po 5,000 na bangka po ang ibibigay ng Department of Agriculture,” ayon kay Evangelista.
May nakahanda na ring 15,000 bags ng certified rice seeds at 5,000 na vegetable seeds para sa mga magsasaka ani Evangelista.