TARGET ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ma-imprenta muli at mailabas sa Hunyo ang national identifications (ID) cards na nasunog sa Manila Central Post Office (MCPO).
Ito ang inihayag ni PSA OIC-Deputy National Statistician Fred Sollesta, sa Laging Handa public briefing nitong Huwebes Hunyo 1, 2023.
Aniya, target ng PSA na mai-release ngayong buwan ang na-reprint na ID card para ma-deliver na ng PhilPost sa mga registrant.
Samantala, ani Sollesta na pagkatapos ng insidente ng sunog, agad nag-coordinate ang PSA sa PhilPost para makakuha ng impormasyon kung ilang cards ang naapektuhan.
Base sa ni-report ng PhilPost, nasa 7,500 cards ang apektado ng fire incident.
“And PhilPost was able to give the number around mga 7,500 iyong affected. They have already forwarded the information including data kung ano iyong mga cards na affected, and tini-trigger na namin ngayon iyong reprinting sa BSP,” ayon kay Fred Sollesta, OIC-Deputy National Statistician, PSA.
Muli namang nilinaw ni Sollesta na ang ID cards na nasama sa sunog ay ‘yung para sa Maynila lamang.
Produksiyon at distribusyon ng national ID cards, target makumpleto sa 2024—PSA
Samantala, may mga pinag-uusapan na ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at ang Philippine Statistics Authority (PSA) ukol sa mga hakbang para pabilisin ang pag-iimprenta ng national ID.
Kung hindi man aniya matapos sa loob ng taong ito, marahil sa susunod na taon, ay makukumpleto na ang produksiyon at distribusyon ng ID cards.
“And we are also studying some options na ma-accelerate siya na kung hindi man siya matapos within this year, siguro next year ay we have a good chance to complete iyong mga distribution and production ng mga physical cards,” ani Sollesta.
Nakapagrehistro sa national ID, pumalo na sa 79.12-M
Sa pinakahuling tala ng PSA, umabot na sa 79.12-M ang nakapagrehistro sa national ID.
Sa 79-M registration, nasa higit 37-M na ang na-print na Phil. ID kung saan ito rin ang nai-turnover na ng PSA sa PhilPost.
Ani Sollesta, nasa 31.95-M o halos 32-M naman ang nai-deliver na ng PhilPost.
“So far, nakarehistro na tayo ng 79.12 million and then naka-generate na tayo, ng 76.17 million na PhilSys number. So, so far iyong na-print natin na ID ay 37.73 million; ito rin iyong number that we turned over to PhilPost,” aniya.