HINDI kontento ang publiko sa pagtugon ng gobyerno sa usapin ng pagtaas ng presyo o halaga ng mga bilihin at serbisyo.
Aminado si Ate Rochelle na nahihirapan na sila sa pang araw-araw na gastusin dahil sa walang humpay na taas-presyo sa mga pangunahing bilihin.
Kung si Ate Rochelle ang tatanungin, hindi niya gaanong naramdaman ang aksiyon ng pamahalaan hinggil dito.
“Tumataas po talaga, sobrang nahihirapan na rin, mga small business pa lang katulad namin na mahina pa lang kami. So, ‘yung mga pinamimili namin nakakagulat kasi tumataas na rin,” ayon kay Rochelle.
Si Nanay Corazon, napapailing na lang dahil para sa kaniya hindi niya naramdaman ang mababang presyo ng mga bilihin.
Kung kaya’t, imbes na ipambili ng bigas, nagtitiyaga na lang ang kaniyang pamilya sa tinapay.
“Siguro, kahit anong panawagan mo ‘yan wala rin, kailangang kumayod ang bawat isa para makakain kasi wala pa rin, hanggang ngayon ganon pa rin, mas lalong lumala,” ayon kay Corazon.
Pero, para naman sa ilang mga Pilipino, naramdaman anila ang mababang presyo sa ilang mga bilihin.
Kung kaya’t, hindi sila sang-ayon sa inilabas na resulta ng Pulse Asia.
“Palagay ko ramdam naman natin na may ginagawa ‘yung gobyerno, dahil ‘yung iba naman na produkto ay mababa naman,” ayon kay Robert.
Ganito rin ang pananaw ni Ate Angeline.
“Hindi naman po kasi ginagawa naman ng aksiyon ng gobyerno kung paano mapababa ang presyo ng mga bilihin ngayon,” ayon naman kay Angeline.
Sa pinakahuling survey ng Pulse Asia, lumalabas na 72 porsiyento ng mga Pilipino ang hindi kontento sa ginagawang pagsisikap ng administrasyong Marcos upang makontrol ang inflation o pagtaas ng presyo ng mga kalakal at serbisyo.
Ang naturang survey ay isinagawa mula December 3-7, 2023 na may 1,200 adult respondents.
Sa datos ng Pulse Asia survey, pinakamataas na bilang ang nagpahayag ng concern sa Visayas at Mindanao na may tig-75 porsiyento.
Sinundan naman ito ng 71 porsiyento sa Luzon at National Capital Region (NCR) na may 69 porsiyento.
Samantala, ilan pa sa mga nais mabigyang-pansin ng mga Pilipino ang kahirapan, laban kontra graft at corruption sa gobyerno.
Tulong sa mga magsasaka, problema sa involuntary hunger, paglaban sa kriminiladad, suporta sa mga maliliit na negosyo, pagpapatupad ng batas sa kahit kanino at pagbawas sa binabayarang buwis.