HUMARAP sa SMNI ang dating city civil registrar ng Quezon City Hall para ilahad ang mga overpriced na purchase orders ng lungsod sa kalagitnaan ng pandemya.
Ipinakita ng dating empleyado ang lamesa na puno ng purchase order (PO) ng Quezon City government.
Laman ng mga PO ang mga transaksyon na pinasok ng city government sa gitna ng pandemya.
Ipinakita ang mga naturang PO sa SMNI ng dating city civil registrar ng nasabing lungsod na si Mon Matabang.
Isa si Matabang sa mga sumalubong kay QC mayoral candidate Mike Defensor nang bumisita ito sa city hall nitong nakaraang Lunes.
At ilang araw pagkatapos nito ay naglakas loob daw ang ilang empleyado ng city hall na iabot sa kanya ang sandamakmak na PO.
“Lahat ng ito’y mga purchase orders na nakakapaghinala ng mga presyo. Itong lahat ng ito, inabot ito sa kanya. Tapos noong nakita ko aba? Parang overpriced ata lahat ng ito,” ayon kay Matabang.
“Katulad noong bigas, eh isang sako, limang libo? Ano ba yan? Oh yung toxometer na lang, toxometer? Magkano ba yan? Isang libo lang ang bili ko noong ako bumili niyan eh. Eh ngayon nakita ko 25,000,” dagdag nito.
Bilang dating kawani ng city hall, iginiit ni Matabang na tunay ang mga hawak nilang dokumento at hindi ito fake news.
Katunayan, pirmado raw ito mismo ni Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Samantala, ipinakita naman nito ang isang video kung saan huli sa akto na nagbebenta sa junkshop ang mga taga city hall.
Aniya, sa junk shop ang bagsak ng mga bakal na sana’y pantukod sa mga tent ng city government.
“Makikita mo yung dalawang government vehicle na ito’y dalawang ambulansya at nagbaba ng mga bakal-bakal na napakadami. At itong bakal na ito makikita mo yan oh ito yung pampatayo ng mga tent and these tent ang intended sa mga pupunta sa ospital magpapagamot lalong lalo na yung mga inabutan ng COVID sa pandemyang ‘to. Ngayon kung yang mga kwan na yan materyales na binili ng city government it will end in a junk shop na ipinupur-kilo aba eh dapat panagutan nila yan,” ayon pa kay Matabang.
Kaya ngayong panahon ng eleksyon, may hamon ngayon si Matabang sa mga botante ng QC lalo na’t matitinding isyu ang kaniyang isiniwalat.
“Ngayon, nasa ating mga kababayan ngayon ano ang kanilang disposisyon dito. Dahil ito malinaw na dinala nila, ipinagbili nila por kilo. Yung dapat na magamit na tent ng mga napinsala ng pandemya ng COVID ngunit walang kuwan kaya nabilad sila ng araw,” ani Matabang.
“Yan mga kababayan, mga botante, mga residente, tayo ngayon ang huhusga sa ganyang klase ng administrasyon. So, ngayong ibabato ko sa mga residente itong nangyari. Kayo ang magdesisyon,” ayon pa kay Matabang.