Quezon City LGU, nakahanda na vs monkeypox

Quezon City LGU, nakahanda na vs monkeypox

KINUMPIRMA ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na handang-handa na ang Quezon City government laban sa banta ng monkeypox sa siyudad.

Inihayag ni Mayor Belmonte na wala pang naitalang kaso ng monkeypox sa siyudad.

Sa isang panayam, sinabi ni Belmonte na kahit wala pang deklarasyon ang World Health Organization (WHO) ay nakapagbigay na ang Quezon City Health Department ng orientation sa mga mamamayan sa lungsod kaugnay sa monkeypox.

Sa katunayan ayon pa sa alkalde kahit wala pang naiulat ng kaso ng monkeypox ay may nakahanda ng pasilidad ang city government para dito.

Matatandaan, naglabas ng paalala sa publiko ang Department of Health (DOH) kaugnay ng sakit na monkeypox.

Ito’y matapos kumpirmahin ng DOH Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang pagkakaroon ng unang kaso ng monkeypox sa bansa noong July 28, 2022.

Naka-isolate at patuloy na sinusubaybayan ang unang kaso kasama ang 10 na natukoy na close contacts.

Ang nasabing pahayag ng alkade ay kasunod sa nilagdahan ng Quezon City People’s Law Enforcement Board (PLEB) at Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) ang kauna-unahang memorandum of agreement sa pagitan ng dalawang disciplinary body ngayong araw.

Ang PLEB ay ang check and balance mechanism na nilikha ng Republic Act 6975 o An Act Establishing the PNP Under a Reorganized Department of the Interior and Local Government and For Other Purposes as amended by R.A.  8551 (The PNP Reform and Reorganization Act of 1998) kung saan binibigyang kapangyarihan ang mga ordinaryong mamamayan laban sa mga maling pulis.

Maaaring tanggalin, suspendihin at pagsabihan ng PLEB ang mga abusadong pulis.

Layunin ng MOA na maiwasan ang hidwaan sa pagitan ng PNP-IAS at PLEB na may kinalaman sa hurisdiksyon ng mga kaso.

Nagkaroon ng maraming kaso noong nakaraan kung saan ang mga buhong at mapanlinlang na pulis ay gumamit ng “legal na teknikalidad” upang ma-dismiss ang kanilang mga kaso dahil umano sa “forum shopping.”

 

Follow SMNI News on Twitter