Real estate company sa Dubai, magbebenta ng kauna-unahang Metaverse mansions sa MENA region

Real estate company sa Dubai, magbebenta ng kauna-unahang Metaverse mansions sa MENA region

ISANG real estate company na naka-base sa Dubai ang nagpaplano na magbenta ng kauna-unahang Metaverse mansions sa Middle East at North Africa (MENA) region.

Kasabay ng paglawak ng Metaverse Market bawat taon, pinaplano naman ng Dubai Union Square House na magbenta ng unang batch ng Metaverse Mansions sa MENA Region kung saan maaaring bumili ang mga buyer ng mga property sa virtual world.

Ang Metaverse ay tumutukoy sa konsepto ng 3d virtual world kung saan ang mga tao ay nirerepresenta ng mga avatar at maaari ang mga itong maglaro, magtrabaho at makipag-socialize, bumili at magbenta ng mga item gaya ng ginagawa ng mga ito sa totoong buhay.

Kasabay ng sale ng Metaverse mansions sa Dubai, magkakaroon na ng tsansa ang mga buyer na makapag-may ari ng digital mansion at makita ang kanilang mga pag-aari sa augmented reality.

Maaaring magmay-ari ang mga ito ng non-fungible token (NFT) nang walang bricks at mortar asset.

Ang mga bayad naman sa Metaverse ay ginagawa sa pamamagitan ng cryptocurrencies.

Plano rin ng real estate agency na maglunsad ng kauna-unahang set ng NFT sa Hulyo sa pamamagitan ng pagbebenta ng ultra-luxury properties na magsisimula sa Dubai at susunod ay palalawakin na sa Abu Dhabi at iba pang malalaking syudad.

Ang global real estate sales sa Metaverse ay umabot sa 500 milyong dolyar noong 2021 habang ang worldwide Metaverse industry ay inaasahan namang lalago sa higit 600 bilyong dolyar ang kita sa taong 2030.

Follow SMNI NEWS in Twitter