Rebeldeng namatay sa nangyaring bakbakan sa Eastern Samar, umakyat na sa 20

Rebeldeng namatay sa nangyaring bakbakan sa Eastern Samar, umakyat na sa 20

UMAKYAT pa sa 20 ang bilang ng mga namatay sa naganap na bakbakan ng militar at rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Barangay Osmeña sa bayan ng Dolores, Eastern Samar.

Huling narekober ang bangkay ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) member na si Marlon Rivera Pomarejos alyas James sa Barangay Osmeña.

Isa si James sa mga nasawi sa bakbakan ng militar at NPA sa nasabing lugar kung saan naganap ito sa mismong main camp ng teroristang grupo.

Nabatid na isang malaking pagawaan ng bomba ang nasabing kampo na nakubkob ng mga militar.

Dahil sa may matataas na kalibre ng baril at armas ang mga kalaban, kinailangan pa ang tulong ng air asset ng Philippine Army.

Tumagal pa ang bakbakan hanggang 13 oras bago ito tuluyang humupa.

Sa tulong ng clearing team 52nd Infantry (Agila) Battalion sa ilalim ng pangangasiwa ni LTC Joven D. Bugarin, si Pomarejos pa lang ang tanging nakuha at nakilala ng mga kamag-anak nito habang ang labinsiyam na bangkay ay kasalukuyang wala pang kumukuha sa mga ito.

Napag-alaman na tubong Barangay Boco, Can-Avid, Eastern Samar si Pomarejos at nagmula sa isang broken family.

Kasalukuyang nakatira ang ama nito sa Brgy Tula, Paranas, Samar kasama ng ibang pamilya.

May natitira pa itong limang mga kapatid pero magkakahiwalay ang mga ito.

Agad namang isinagawa ang isang disenteng libing para sa NPA member habang tumanggap naman ng assistance mula sa LGU ng Dolores at Can-Avid ang pamilya ng rebelde.

Sa kabilang banda, nagpasalamat ang pamilya ni James sa pamahalaan dahil sa tulong sa kanyang anak.

Sa huli muling ipinanawagan ng mga militar sa mga natitira pang kasapi ng CPP-NPA-NDF sa Eastern Visayas na magsipagsuko na ang mga ito habang maaga pa.

Nagbabala rin ang Philippine Army sa mga komunidad na mag-ingat mula sa mga recruitment activities na ginagawa ng mga armadong grupo.

Hanggang ngayon nananatili pa ring nasa sementeryo ang ibang bangkay habang naghihintay ang mga ito ng mga kamag-anak nila sa lugar.

BASAHIN: COVID-19 mission ng health workers ng Calbayog, Samar, binulabog ng mga NPA

SMNI NEWS