SA kabila ng patuloy na pag-usbong ng mga bagong teknolohiya, nais ni Senador Win Gatchalian na isailalim sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang mga video at online games.
Isinulong ni Gatchalian ang mungkahing ito sa Senate Bill No. 1063 o ang Video and Online Games and Outdoor Media Regulation Act na layong amyendahan ang Presidential Decree No. 1986 na lumikha sa MTRCB.
“Habang patuloy na nagbabago at lumalawak ang paggamit natin sa teknolohiya, dapat din nating tiyakin na nabibigyan ng kaukulang proteksyon at paggabay ang ating mga kabataan, lalo na mula sa mga hindi magagandang impluwensya at epektong maaaring idulot ng mga teknolohiyang ito,” ani Gatchalian.
Lumabas sa gaming statistics ng taong 2020 na pinalago ng 43 milyong mga gamers ang gaming industry sa Pilipinas at Southeast Asia.
Naitala rin na 74 na porsyento ng Philippine online gaming population ay naglalaro gamit ang kanilang mobile devices, 65 porsyento ang gumagamit ng PC games, at 45 porsyento ang gumagamit ng classic console.
Ayon pa sa datos, ang 43 milyong naitalang gamers noong 2019 ay gumastos ng mahigit kalahating bilyong dolyar o $572 milyon.
Dahil dito, naging pang dalawamput limang pinakamalaking merkado ang Pilipinas pagdating sa game revenues.
Pilipinas din ang maituturing na may pinakamalaking ambag sa games market ng Southeast Asia sa naturang taon.
Maliban sa video and online games, iminungkahi ni Gatchalian na sumailalim din sa regulasyon ng MTRCB ang outdoor media, kabilang ang mga advertising signs, Light Emitting Diode (LED) signs and billboards, ground signs, roof signs, at sign infrastructures.
Sa pag-apruba at pag dis-apruba ng pagpapalabas ng video and online games at outdoor media, parehong mga hakbang ang susundin tulad ng sinusunod sa pelikula, programa sa telebisyon, at iba pang pictorial advertisements.
Ipinagbabawal din ng panukalang batas ni Gatchalian ang pagbebenta ng anumang video game na may rating na “Adults Only” mula sa MTRCB.
Pagbabawalan din ang mga menor de edad na bumili at tumanggap ng mga larong may rating na “Adults Only,” kabilang ang paggamit ng anumang pekeng ebidensya ng edad upang mabili ang mga games na ito.
Nakasaad din sa panukalang batas na dapat malinaw ang rating sa packaging ng kahit anong video game at kahit anong printed o digital publicity material na gagamitin sa bansa.