TINIYAK ng Task Force Bangon Marawi na magiging 95% na makumpleto ang recovery projects sa Marawi City pagsapit ng buwan ng Hunyo o sa pagbaba sa puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Inihayag ng pamunuan ng Task Force Bangon Marawi na naging mabunga ang taong 2021 para sa TFBM, sa Marawi City local government, at lalo na sa kapatirang mga Maranaw dahil sa mga natapos na mga proyekto sa nagpapatuloy na rehabilitasyon sa lungsod.
Ayon kay TFBM Chief at Housing Czar Secretary Eduardo del Rosario, ang mga na-displaced na pamilya na nakatira sa most affected area (MAA) o ang tinatawag na ground-zero, ay unti-unti nang nakararanas ng normal na pamumuhay.
Sa unang linggo ng Disyembre nitong nakaraang taon, nakapagkumpleto na ang TFBM ng nasa 85 percent ng major rehabilitation works habang nasa final stages na ang iba pang infrastructure projects.
Kaya naman, tiwala si Del Rosario na matatatapos ang 95 percent ng lahat ng major infra projects sa Hunyo ngayong taon o sa pagbaba sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Tiniyak naman ni Del Rosario na makukumpleto rin ang mga natitirang proyekto dahil nakahanda na ang pondo para sa implementasyon dito ng concerned agencies.
Sa kabila ng mga hamon na kinakaharap gaya ng masamang panahon at ng COVID-19 pandemic, ayon sa opisyal, natapos pa rin ng TFBM ang mga proyekto batay sa itinakdang timeline at construction standards.
Maliban sa 56 implementing agencies, kinuha rin ng TFBM ang Civil Society Organizations (CSOS) para makipagtrabaho bilang third-party monitoring group ng gobyerno, na nagbibigay din sa kanila ng pahintulot na magkaroon ng regular inspections sa mga proyekto.
Ang Civil Society Organizations na nakabase sa Lanao del Sur ay paulit ulit na nagpahayag ng ‘satisfaction’ sa naturang rehabilitation efforts ng pamahalaan sa Marawi.
Mababatid na nakapag-repair ang TFBM ng tatlong major bridges at nakapagbukas ng mahigit 20 kilometers na transcentral roads.
Kabilang din sa nakumpleto sa loob ng most affected area ang konstruksyon ng community police action center, fire substation, maritime outpost, central police station, solar power irrigation system at barangay rorogagus health station na may kasamang medical supplies.
Nakapagtapos din ng anim na villages na may malapit na health center at eskwelahan sa lugar habang 18 marami pang kaparehong proyekto ang inaasahang magiging operational sa unang kwarter ng ngayong 2022.
Kung matatandaan, natapos noong Oktubre ng 2021 ang rehabilitasyon ng iconic grand mosque, na maituturing na pinakamalaking islamic worship sa bansa na makapag-a-accommodate ng dalawampung libong (20,000) worshippers.
Nasa ‘final stages of completion’ naman ang ibang public facilities at infrastructure projects.
Noong Oktubre 2021, personal na pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paggunita ng ika apat na anibersaryo ng Kalayaan ng Marawi mula sa sagupaan sa pagitan ng tropa ng gobyerno at Maute group sa lungsod na naganap noong 2017.