Revilla pinarerepaso ang implementasyon ng 40-taong gulang na batas ukol sa accessibility para sa PWDs

Revilla pinarerepaso ang implementasyon ng 40-taong gulang na batas ukol sa accessibility para sa PWDs

NAIS ni Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. na i-review o repasuhin ang implementasyon ng Republic Act 344, na kilala rin bilang “Accessibility Law” na nag-aatas sa mga gusali, institusyon, establisyimento, at pampublikong serbisyo na maglagay ng mga pasilidad upang mapadali ang paggalaw ng mga taong may kapansanan o (persons with disabilities (PWDs).

Sa Senate Resolution No. 1077 na kaniyang inihain nitong Martes ng hapon, Hulyo 23, kasabay ng pagdiriwang ng Apolinario Mabini Day, hiniling ng beteranong mambabatas sa nararapat na mga komite ng Senado na tingnan ang bisa ng implementasyon ng 40-taong gulang na batas, na may layuning amyendahan ito upang higit na maprotektahan, maitaguyod, at mapalaganap ang kapakanan ng mga PWD.

“Tamang-tama sa selebrasyon natin ngayong araw ng Apolinario Mabini Day at sa pagdiriwang ng National Disability Prevention and Rehabilitation Week ngayong linggo ang resolusyon na inihain natin para repasuhin ang matagal at luma nang batas na BP 344. Nais natin na muli itong matingnan at mapag-aralan upang makita natin kung akma pa ba ito para tumugon sa espesyal na pangangailangan ng mga PWDs,” ani Revilla.

Ayon sa senador, sa usapin ng implementasyon, ang accessibility para sa mga PWDs ay nananatiling isang hamon.

May mga gusali at imprastruktura na hindi pa rin sumusunod sa mga pamantayan para sa accessibility ng PWDs na nagiging dahilan upang maging mas mahirap para sa sektor na ito ang paggawa ng mga pang-araw-araw na gawain na mahalaga upang mabuhay ng normal at makamit ang kanilang buong potensiyal.

“Gusto natin i-audit ang mga pasilidad kung compliant ba sila sa batas na ito. Tandaan, ito ay isang batas. Kinakailangan nila magbigay ng mga pasilidad na accessible para sa paggamit ng mga PWDs,” paliwanag ni Revilla.

Ang BP 344 ay naipasa noong Pebrero 25, 1983 sa ilalim ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos. Ito ay naglalayong isulong ang mga karapatan ng mga taong may kapansanan upang ganap na makilahok sa panlipunang buhay at sa pag-unlad ng mga lipunan kung saan sila nabubuhay at matamasa ang mga oportunidad na mayroon ang ibang mamamayan.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble